TINANGGAP ni Senador Manny “Pacman” Pacquiao ang nominasyon ng Partido Demokratikong Pilipino Laban (PDP-Laban) sa ilalim ng kanilang paksyon na tumakbo bilang Pangulo sa 2022 Presidential election.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang paksyon ang partido at isa rito ang Cusi wing na nag-endoso ng kandidatura ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go bilang presidente, at si Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente.
Hinihintay ng dalawang paksyon kung sino sa kanila ng kikilalanin ng Commission on Elections (Comelec) dahil isang kandidato sa isang posisyon ang tatanngapin sa isang partido.
Si Pacman ang ikalawang siguradong kandidato na umamin na siya ay tatakbong Pangulo sa 2022 elections bukod kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
”We are ready to rise to the challenge of leadership,” pahayag ni Pacquiao sa kanyang acceptance speech.
Ipinagkaloob na rin ng partido kay Pacquiao ang kapangyarihang pumili ng kanyang tandem para sa darating na halalan.
“Panahon na upang manalo naman ang mga naaapi. Panahon na para makabangon ang bayan natin na lugmok sa kahirapan. Panahon na ng isang malinis an gobyerno na ang bawat sentimo ay mapupunta sa bawat Filipino,” ani Pacman.
Inamin ni Pacquiao na nakipagpulong siya kina Vice President Leni Robtredo at Manila Mayor Isko Moreno ngunit tila bigo ang kinauwian ng kanilang usapan.
Sa nakalipas na Pulse Asia Survey, si Pacman ay ika-lima habang nangunguna sina Davao city mayor Sara Duterte at Moreno. (NIÑO ACLAN)