Thursday , December 19 2024
International Criminal Court, ICC, arrest warrant

Global arrest warrant, nakaamba kay Duterte

NAKAAMBA ang global arrest warrant kay Pangulong Rodrigo Duterte kapag iniutos ng International Criminal Court (ICC) na dakpin siya sa kasong crimes against humanity of murder kaugnay sa mga patayan sa isinulong niyang drug war.

Paliwanag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV, isa sa naghain ng reklamo sa ICC, pandaigdigan ang bisa ng warrant of arrest ng ICC kaya ang sinomang bansa na signatory sa Rome Statute ay puwedeng arestohin si Duterte.

“Sa ICC kasi kapag insyuhan ka ng warrant, walang piyansa ‘yun. Tapos ang enforcement niyon ay global. So may global arrest warrant ka. Kapag napunta ka sa isang bansa na signatory doon sa Rome Statute na nag-create sa ICC, ay obligado ang estado na ‘yun na i-turnover ka sa ICC,” sabi ni Trillanes sa DZMM Teleradyo kaha­pon.

Kapag oposisyon ang nanalong presidente sa 2022 ay ihahatid aniya nang nakaposas si Duterte sa ICC.

Sa inihain niyang reklamo sa ICC laban kay Duterte, isinama niya ang mga patayan na kagagawan ng Davao Death Squad noong 201o mula nang naging miyembro ang Filipinas sa ICC, nang alkalde pa ang presidente sa siyudad upang ma-establish ang pattern ng polisiya ng patayan na ipinatupad nito.

“Sinubmit natin pati ‘yung patayan sa Davao ng Davao Death Squad para ma-establish ang pattern na hindi ito bago. Hindi masasabi nilang nangyayari na kusa lang. Ipinakita rito na noong mayor si Duterte  sa Davao, patayan na ang polisiya kaya nang naging presidente na siya na-establish na ang ganitong pattern of behavior ni Duterte at kanyang mga alipores.”

“So iyan ang maliwa­nag na ebidensiya, tayong saksing buhay tayong lahat, naririnig natin siya na sinasabi niya iyon, nakikita natin ‘yung mga pinatay.”

May mga testigo na rin aniyang hawak ang ICC laban kay Duterte.

Kompiyansa si Trillanes na ilang buwan na lang ang hihintayin at magbubukas na lahat sa ICC ang mga dokumento ng gobyerno sa imbesti­gasyon dahil kandidato ng oposisyon ang malu­luklok sa Malacañang.

“Hindi naman maso­kista ang mga Pilipino. Grabe na ang ginawa ng mga ito the past five years na nabudul-budol sila. Manloloko ang mga ito, noong 2016 grabe ang mga pangako nila. Grabe ‘yung sinabi nila, ‘yun pala sila ‘yung Godfather ng mafia ng sindikato.

Nakikita na ng mga kababayan natin. Hindi ganon ang mga Filipino. Makaloloko sila one time pero hindi sila maka­kaonse all the time, hindi ‘yan nangyayari sa mga Filipino, historically namumulat. I’m confident about it, true change or genuine change would come in 2022,” ani Trillanes.

Nauna rito’y inihayag ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Karen Dumpit na makikipag­tulungan ang komisyon sa imbestigasyon ng ICC kahit ayaw ni Pangulong Duterte.

Kahit harangin ang pagpasok sa bansa ng ICC investigators, hindi naman kailangan ang pisikal na presensiya nila dahil nagsasagawa ito ng open source investigations.

“The ICC now does open source investigations that means there is also precedent using social media evidence in addition to like Zoom meetings in international criminal prosecution,” sabi ni Dumpit sa After the Fact sa ANC kama­kailan.

Inihalimbawa niya ang kaso ni Al Werfalli, Libyan military general, na akusado ng war crimes na isinailalim sa open source investigation at inisyuhan ng warrant of arrest ng ICC kahit hindi nakipagtulungan sa pagsisiyasat.

Batay sa ulat, ginamit na ebidensya laban kay Werfalli ang mga ipinaskil na pitong video sa social media na nagpakita na pinatay niya o inutusang paslangin ang mga bilanggo sa Benghazi kaya naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang ICC. Inaresto ng Libyan National Army si Weraflli matapos ilabas ng ICC ang warrant of arrest ngunit nakatakas siya at napatay sa ambush noong Marso 2021.

Para naman kay Atty. Kristina Conti ng Rise Up, grupo ng mga abogado na tumutulong sa mga naulila dahil sa drug war, puwedeng humihing ng tulong ang ICC sa sangay ng lehislatura at hudika­tura kung ayaw makipag­tulungan sa kanila ng ehekutibo. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Honey Lacuna PBBM Bongbong Marcos Manila mackerel

Mula kina PBMM at Mayor Lacuna
Kompiskado, ismagel na mackerel ipinagkaloob sa mga residente ng BASECO at Tondo sa Maynila

PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna – …

Bulacan Police PNP

Anti-crime raid ikinasa sa Bulacan; 15 pugante, 4 tulak timbog

NASAKOTE ang may kabuuang 19 mga indibidwal, kung saan 15 ang mga wanted person at …

ASIN Center Salt Innovation for a Better Future

ASIN Center: Salt Innovation for a Better Future

DOST Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Mabborang together with DOST 1 Regional Director, …

2nd Southeast Asian Premier Business and Achiever Awards 2024

2nd Southeast Asian Premier Business and Achiever Awards 2024

The *2nd Southeast Asian Premier Business and Achiever Awards 2024* press conference recently concluded with great success, bringing …

CasinoPlus FEAT

Casino Plus Celebrates Unprecedented Wins in Color Game Big Win Jackpot, Welcomes 21 New Multi-Millionaires within first month of launching

Casino Plus recently achieved a major milestone, marked with a celebratory press conference held on …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *