ni Tracy Cabrera
MANILA — May bagong miyembro ang Philippine Coast Guard (PCG) sa katauhan ng aktres na si Julia Barretto na itinalaga bilang auxiliary ensign Auxiliary K9 Squadron ng PCG.
Malugod na sinalubong ni PCG commandant Admiral George Ursabia Jr. ang pagpasok ni Barretto sa donning and oath-taking ceremonies na isinagawa sa PCG national headquarters sa Port Area, Maynila kasama ang iba pang mga bagong auxiliarist na sina Ando Cruise Catipay, Jalil Laidan at Harold Jocel Talan.
Nagparamdam ng tuwa si Ursabia at gayun na rin ng pasasalamat sa mga bagong miyembro ng PCGA sa pagtalaga sa kanilang mga sarili sa tradisyon ng PCG na dedikasyon sa pagsilbi sa bansa sa pamamagitan ng kanilang pagsuporta sa Coast Guard sa pagsasagawa nito ng mga humanitarian mission at disaster response operation.
Sa ginawang seremonya, binigyang pansin ng Coast Guard commandant ang lumalaking pangangailangan para sa mga K9 unit sa pagsulong ng seguridad ng Pilipinas, lalo na sa banta ng mga panghihimasok ng mga dayuhan sa teritoryo nito at exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Sa pagkakatayo ng PCG-Philippine Ports Authority (PPA) K9 Academy sa Clark, Pampanga, ibinahagi ni Ursabia na malapit nang makapagbigay ang Department of Transportation (DoTr), sa pamamagitan ng PCG at PPA, ang mataas na kalidad at kompetenteng mga K9 unit sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa buong bansa.
Ang donning at oath taking ng mga bagong Coast Guard recruit ay sinakisihan din ng kasintahan ni Barretto na si Auxiliary Lieutenant Commander Gerald Anderson ng PCGA K9 Squadron.