TAPOS na ngayong linggo ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamamahagi ng P1,342,711,000 ECQ cash aid mula sa national government.
Sa loob ng 12 araw na distribusyon, kabuuang 402,835 pamilya ang nakatanggap ng cash assistance sa Caloocan, ang unang lungsod sa Metro Manila na nakatapos sa pamamahagi ng kabuuang alokasyon ng pamahalaang nasyonal para sa mga residente nito.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda sa Caloocan ang mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP), Pantawid Pamilyang Pilipino Program members o 4Ps, persons with disabilities, solo parents, at TODA/JODA members.
Taos-pusong nagpapasalamat si Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa pondong ibinigay ng pamahalaang nasyonal bilang tulong sa mga pamilyang naapektohan ng ipinatupad na ECQ.
Gayondin ang pasasalamat ng alkalde sa lahat ng naging katuwang upang maging mabilis at organisado ang pamimigay ng ayuda sa mga benepisaryo.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagsakripisyo at tumulong sa gitna ng banta ng CoVid-19 upang kaagad maipamahagi ang tulong-pinansiyal sa mga benepisaryo nang buo, maayos at ligtas. Salamat sa mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga barangay, mga estudyante ng University of Caloocan City na nagsilbing volunteer paymasters and encoders, at siyempre sa USSC, ang ating partner financial services provider,” aniya.
Ayon kay Mayor Malapitan, malaking tulong sa mabilis na pamamahagi ng ayuda sa kabila ng pagiging malaking lungsod ay ang paggamit ng text messaging at iba pang makabagong online digital technology tulad ng digital tablets, electronic signature system, screenshot documentation, software scheduling, distribution, at documentation system, na sabay-sabay isinagawa sa hindi bababa sa 20 barangay mobile caravans kada araw, na umabot sa 50,000 households mula sa 188 barangays ang nabibigyan ng kanilang ayuda kada schedule.
“Katulad ng mas pagpapabuti natin sa distribusyon ngayon kompara sa nakaraang ECQ ayuda noong Abril, umasa kayo sa susunod pang pamamahagi ng ayuda ay mas lalo pa natin mapapagaling ang sistema ng distribusyon,” pagtitiyak ng punong lungsod. (JUN DAVID/ROMMEL SALES)