Saturday , November 16 2024

Serye-Exclusive: DV Boer Farm officials wanted sa syndicated estafa

ni ROSE NOVENARIO

WANTED sa mga awtoridad ang matataas na opisyal ng DV Boer Farm International Corp., na ang mayorya’y pawang mga miyembro ng pamilya Villamin dahil sa two counts ng syndicated estafa na isinampa ng isang dating professional banker at sub-farm owner.

Inilabas kamakailan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 91 Judge Kathleen Rosario Dela Cruz-Espinosa ang warrant of arrest laban kina Soliman Villamin, Jr., a.k.a. Dexter Villamin, Joselyn Villamin, Soliman Villamin, Sr., Preciosa Villamin-Cabrera, Eric Villamin, Ferdinand Villamin, Marianne Co, Ina Alleli Co, Lovely Corpuz, Joy Arevalo, Krizza Peracho, Dr. Reynaldo Bello, Rosalyn Alvarez, Jayson Ray San Pedro, at David Jericho Perez.

Non-bailable offense ang syndicated estafa.

Ang warrant of arrest laban sa kanila’y bunsod ng inihaing reklamo ng biktimang si Gilbert Buguia, dating professional banker, chief executive officer at president ng North Winds Fine Herd International Inc., isang accredited sub-farm ng DV Boer, sa paghimok sa kanyang maglagak ng P 21.5 milyon sa agribusiness ngunit hindi ibinigay ang naipangakong return on investment na 30% per annum at sa halip ay winaldas ang pera.

Batay sa resolusyong iniakda ni Rafael Jaime Mison, Senior Assistant City Prosecutor, nabatid na pangarap ni Bugia na maging magsasaka kaya’t naghanap siya sa online kung saan puwede magpalahi ng kambing at nakita niya ang pro­gramang iniaalok ng DV Boer sa Batangas noong 2016.

Nahikayat si Bugia na mamuhunan lalo nang makita ang online posts ni Dexter Villamin hinggil sa milk production at ang inilunsad na bagong produktong DV Fresh Milk na ipinagbibili sa ilang piling DV Boer stores, kasama ang AFP Commissary and Exchange Services (AFPCES).

Ayon sa resolusyon, ang first count ng syndicated estafa ay naganap bunsod ng sab­wa­tan ng mga Villamin at iba pang opisyal ng DV Boer para linlangin si Bugia sa pamamagitan ng kanilang “false advertisements and other fraudulent acts” at gumawa sila ng pekeng representasyon na ang kanilang kompanya ay may kapasidad at kapabilidad na mag-solicit at tumanggap ng investments at deposits mula sa publiko at may kapasidad na bayaran ang complainant ng guaranteed interest sa kanyang investment na nagkakahalaga ng P13,333.725.21.

Ang naturang halaga ay binubuo ng P600,000 bilang initial investment; P8,952,687.89 royalty fee; P 864,645 bilang 3% sales commission; P720,000 boer goat payment; P258,300 cattle; P500,000 bilang talipapa accreditation; P238,092.32 Paiwi online; P1,100,000 shareholder investment at P100,000 bilang venture capital.

Napag-alaman na inobliga si Bugia na bayaran ang mga nasabing halaga matapos niyang mailagak ang initial investment upang makakuha umano siya ng 42% per annum rate of return bilang subfarm owner na idinagdag sa kanyang investment sa DV Boer.

“However, after they obtained the monies and cattle, the respondents never gave the promised payouts, and instead, misappropriated the same, to the damage and prejudice of the complainant,” ayon sa resolusyon ni Mison.

Habang sa second count ng syndicated estafa, nagsabwatan din ang mga akusado gamit ang mga pekeng anun­siyo, panlilinlang at pinalabas kay Baguia na may kapasidad at kapabilidad ang kanilang kompanya upang manga­lap ng puhunan sa publiko at paasahin ang complainant na kikita  ang inilagak niyang P8,130,939 bilang Microfinance contribution ng 30% per annum ngunit hindi natupad bagkus ay winaldas ang kanyang puhunan.

Batay sa nakalap na datos ng HATAW, ang mga magulang ni Dexter na sina Soliman Sr., at Joselyn ay nakabase na sa Brazil mula pa noong Nobyembre 2019.

Si Joselyn ang guma­wa ng amendments ng Articles of Incorporation at nag-facilitate ng accreditation ng subfarms.

Si Dexter ang humi­mok sa complainant na mamuhunan sa DV Boer upang kumita nang malaki.

Si Soliman Sr., isang retiradong militar, ang nang-engganyo rin kay Baguia na maging investor sa kompanya, may aktibong partispa­syon sa advertising ng DV Boer at nangangasiwa sa seguridad ng farm.

Siyam ang anak ng mag-asawang Soliman Sr., at Joselyn, sina Carlo, Dexter, Jack, Precious, Ferdinand, Percival, Manylyn, Eric, at Ulysses.

Bawat isa sa kanila’y humahawak ng mataas na posisyon sa DV Boer at iba pang mga kom­panyang affiliated dito gaya ng DV Boer Microfinance, Magsasaka Inc., DV Boer Security, DV Boer Garments at Sharebate.

Naninirahan din umano sa Brazil sina Carlo at asawang si Melanie, at Ulysses.

Naging malapit umano sa isang religious personality si Ulysses kaya’t nakarating sa Brazil at sumunod sa kanya ang mga magu­lang, kapatid at hipag.

Isa ang Brazil sa mga bansa na walang umiiral na extradition treaty ang Filipinas.

Habang si Marianne Co, asawa ni Dexter, ang chief operations officer ng DV Boer ang nanganga­siwa sa day-to-day transactions.

Anak nina Dexter at Marianne si Ina Aleli Co ay director ng DV Boer.

Sina Lovely at Jayson ang sales and marketing executives; si Krizza ang vice president for operations at Joy ang vice president for finance.

Si Dr. Bello ang resident veterinarian ng DV Boer Fram at sub-farms at nagbenta ng overpriced medicines at equipment sa subfarm owners.

Si Rosalyn ang responsable sa financial statements ng lahat ng sub-farms at nagtiyak sa complainant na sigurado ang kita sa Pa-iwi program.

Si Perez ang gumawa ng Pa-iwi Online System na nagsilbing backbone ng DV Boer Operations at transactions.

Napag-alaman na huling nakita si Dexter sa isang bahay sa esklusi­bong subdivision sa Makati City mahigit isang linggo na ang nakalipas.

(May Karugtong)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *