SUMIKLAB ang matinding batikos matapos kondenahin ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, Chairman Emeritus ng Filipinos Do Not Yield Movement, ang pahayag ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang Palawan.
Sa isang matapang na pahayag, tinawag ni Goitia ang pag-angkin ng China bilang ‘katawa-tawa’ at ‘tahasang paglabag sa pandaigdigang batas’.
Binigyang-diin niyang ito ay walang batayan kundi isa rin ‘pang-iinsulto sa kaalaman ng mga Filipino tungkol sa kanilang sariling kasaysayan at kultura.’
Kinatawan ni Goitia ang iba’t ibang makabayang organisasyon, kabilang ang People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya, at Liga Independencia Pilipinas (LIPI).
Iginiit niyang ang naturang pag-angkin ay direktang sumasalungat sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang kasunduang nilagdaan mismo ng China.
Dagdag niya, ang patuloy na pagpapalawak ng China ay banta sa soberanya at teritoryal na integridad ng Filipinas.
“Ang pang-aapi na ating nararanasan mula sa isang bansang minsan nating itinuring na malapit na kaalyado sa kalakalan at pagpapalitang kultural ay hindi matatawaran,” ani Goitia, na ipinagdadalamhati ang pagkawala ng daan-daang taong diplomatikong relasyon batay sa respeto at tiwala.
Si Goitia, presidente at unang nominado ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party List (ABP Party List), ay binatikos ang istorikal na rebisyonismo ng China, na aniya’y inililihis ang katotohanan upang bigyang-katuwiran ang agresyon nito sa teritoryo ng Filipinas.
“Kahiya-hiya kayo sa pagtataksil sa kabutihang-loob ng inyong mga ninuno, na itinuring ang mga Filipino bilang malalapit na kaibigan simula pa noong nagsimula ang ating kalakalan daan-daang taon na ang nakalipas,” aniya.
Mariing kinondena ni Goitia ang mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea, partikular ang pananakot sa mga mangingisdang Filipino at mga kagawad ng militar.
Pinuna rin niya ang mga mapanlinlang na kasunduang pang-ekonomiya noong administrasyong Duterte, na anila’y ginamit bilang pantabing sa patuloy na pag-angkin ng teritoryo.
“Dapat nang wakasan ang kalokohang ito. Hindi namin papayagan na agawin ninyo ang aming teritoryo at baguhin ang kasaysayan upang itulak ang inyong expansionist agenda,” babala niya, habang pinagtitibay ang paninindigan ng bansa laban sa tahasang pambabalewala ng China sa soberanya ng Filipinas.
Ang pahayag ni Goitia ay lalong nagpataas ng tensiyon sa pagitan ng Filipinas at China, habang patuloy na nagkakaisa ang mga makabayang Filipino upang labanan ang agresyon ng Beijing sa rehiyon.
Maging ang mga internasyonal na eksperto ay nagbigay ng opinyon sa usapin, iginiit na ang pag-angkin ng China sa South China Sea—kabilang ang mga bahagi na nasa loob ng exclusive economic zone ng Filipinas — ay paulit-ulit nang itinakwil ng mga pandaigdigang hukuman.
Pinagtibay noong 2016 sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, walang legal na basehan ang “historical rights” na iginigiit ng China, ngunit patuloy itong binabalewala ng Beijing.
Sa gitna ng tumitinding tensiyon, ipinangako ng mga makabayang kilusan tulad ng Filipinos Do Not Yield Movement na palalakasin pa ang kanilang paglaban sa pananakop ng China.
“Igalang ang pandaigdigang batas pangkaragatan,” giit ni Goitia, sabay paalala sa Beijing na ito mismo ay lumagda sa UNCLOS. “Hindi kami mananahimik habang niyuyurakan ang aming soberanya.”
Habang lumalalim ang hidwaan sa diplomasya, lalong lumalaki ang pressure sa pamahalaan ng Filipinas upang ipagtanggol ang mga karapatan nito sa karagatan.
Samantala, nananatiling matatag si Goitia at ang kanyang mga kaalyado sa kanilang paninindigan: “Hindi susuko ang sambayanang Filipino.” (BONG SON)