Veteran columnist Jobert Sucaldito pumanaw sa edad 65
YUMAO na ang dating columnist, manager, at dating radio host na si Jobert Sucaldito sa edad 65.
Kinompirma ng direktor na si Chaps Manansala ang malungkot na balita kahapon, Linggo, August 2, sa pamamagitan ng social media.
“Hindi ko alam what am feeling now… calls and messages are overflowing… sorry kinocompose ko pa sarili ko,” post ni Chaps sa kanyang Facebook page.
“Ang sakit na sabihin na wala na po si Nanay Sucaldito Jobert,” aniya pa.
Bago pumanaw si Jobert, nag-post pa ito sa kanyang Facebook ng pagpapasalamat sa mga kaibigang tumulong at sumuporta sa kanya habang nakikipaglaban sa anxiety.
Narito ang mahabang post ni Tita J:
“I owe this man so much gratitude most especially during this lowest time of my life – you know naman siguro that I am going thru anxiety and all the last 2 months.
“I can’t sleep in my house literally- as in. Imagine, 1 and1/2 hours lang tulog ko everyday for more than a month. Scary sobra. Kaya kinapalan ko talaga mukha ko na tumambay sa Adonis Mankind everyday – natutulog ako sa folding bed sa dining room niya before and during bar operations and during the day ay kasama ko mga staff ni Daddy Doc sa bar’s sofas.
“Kahit papaano nakakatulog ako ng 5 hours kahit paputol-putol. Sobrang bait ni Daddy Doc – pinapakain pa niya ako every now and then – para akong legally adopted border niya.
“Aside from Daddy Doc, I am indebted too to Kuya Boy Abunda, Direk Chaps Manansala, Maine Nadaya, Papa Art Atayde, Joel Cruz, House Speaker Bojie Dy, Papa Manny Garcia, Princess Revilla, Adela and Nixon Teng, Nanay Jojit Denero, Andrew E and wife Mylene Espiritu, Dr. Charlie Mendez, psychologist John Carandang, OOTDians Ana Maria Sawicki and Joseph Virata, Papa Neal Gonzales, Jodi Santa Maria, Lala Sotto, among others.
“Sana malagpasan ko na itong pinagdadaanan ko para ma-normalize na ulit ang buhay ko. Ang hirap talaga pag kulang ka sa tulog – lagi kang lutang.
“Thanks too sa anak kong si Carlo Brian and apong si Lenlen na sinasamahan ako sa bahay, my brother Bong and sister Jackie for constantly checking on me. And to everyone na pinagdarasal na gumaling na ako. May God bless us all.”
Kahapon ng 10:45 a.m. nakatanggap kami ng mensahe mula sa isang columnist din ng Hataw na si Pilar Mateo, aniya, “Pray maka-survive si ‘Nay Jobert… for a miracle…”
Nang usisain namin ano nangyari? Ang tugon sa amin, “As per Direk Chaps na sana mali, ‘di na umabot… Sana nga mali ang sinabi… sana di totoo. Lumabas na raw. Na-post na ni Maine Nieto na close sa kanya…”
Ang sumunod na balita, pumanaw na si Jobert.
Nakahuntahan pa namin si Tita J, noong July 16 sa back to back show ng Innervoices at ni Chito Miranda ng Parokya ni Edgar sa Hard Rock Manila. Roo’y kinamusta namin ito ukol sa na-post niyang anxiety at hirap sa pagtulog. Nasabi nga nitong hindi siya makatulog mahigit isang buwan na, kaya feeling laging lutang. Pero nakapagpa-check up na siya that time at nabigyan na ng gamot kaya umaasa siyang magiging okey na. Iyon na pala ang huli naming pagkikita at huntahan.
Nauna rito, nanawagan pa ng dasal si Chaps para kay Jobert na halos isang buwan nang naka-confine sa ospital. July 10, isinugod si Jobert sa Providence Hospital sa Quezon City sanhi ng anxiety.
Nakasama namin si Tita J sa trabaho sa FilMag (Filipino Magazin, taong1995) noon bilang siya ang Entertainment Editor. Hindi nagtagal, iniwan niya ang pagiging editor dahil sa kabi-kabilang trabaho (manager, publicists, tv works) kaya ipinasa na sa akin ang pagiging Entertainment Editor.
Naging kolumnista rin namin si Jobert sa iba pang dyaryong aming pinasukan.
Samantala, bumuhos ang mensahe ng pagdadalamhati at pakikiramay sa Facebook page ni Jobert dahil sa kanyang pagpanaw.
Nakalagak ang labi ni Jobert sa Loyola Memorial
Park sa Commonwealth Ave., Quezon City at sa Aug 6 nakatakda ang cremation. (MValdez)