I’m Perfect unang Pinoy Film na napili sa Lucania Film Festival
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
ISA na namang malaking karangalan para sa Philippine cinema!
Dumating na sa Italy ang cast at creative team ng award-winning Filipino independent film na I’m Perfect para opisyal na katawanin ang Pilipinas sa 27th Lucania Film Festival, na kabilang ang pelikula sa official international line-up ng prestihiyosong festival.
Ginaganap taon-taon sa Basilicata sa Southern Italy, ang Lucania Film Festival ay isa sa mga kinikilalang international festivals na nagbibigay-pugay sa independent films at nagtitipon ng filmmakers, producers, at artists mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Isa itong napakalaking milestone para sa I’m Perfect, na patuloy ang pag-ani ng international recognition matapos ang matagumpay nitong festival run sa Maynila noong Disyembre 2025.
Ayon sa producers, ang I’m Perfect ang kauna-unahang Filipino feature film na nakatanggap ng official invitation sa Lucania Film Festival na isang malaking hakbang para sa patuloy na pag-angat ng Philippine independent cinema sa world stage.
Habang nasa Italy, nakikibahagi ang Philippine delegation sa iba’t ibang festival activities kasama ang filmmakers at industry professionals mula sa Europa, Asya, at iba pang mga bansa.
Nagbibigay ito ng pagkakataon para sa cultural exchange, networking, at posibleng international collaborations.
Sa pamamagitan ng I’m Perfect, maipakikita sa international audience ang isang natatanging kuwentong Filipino, pati na rin ang world-class creativity at husay ng ating mga filmmaker.
Ayon kay Ria Atayde-Marudo, CEO ng Nathan Studios, ang pagkakapili ng pelikula ay bunga ng dedikasyon at pagsisikap ng buong production team at isang pagkakataon upang maipakita ang galing ng mga Filipino sa mas malaking pandaigdigang entablado.
Higit pa sa festival screening, ang paglahok ng I’m Perfect sa Lucania Film Festival ay patunay na lalo pang kinikilala ang Philippine cinema sa international film community, na patuloy na nakakukuha ng invitations, awards, at magandang reviews ang mga pelikulang Filipino.
Ngayong nasa ika-27 taon na ang Lucania Film Festival, nananatili itong isa sa mga mahahalagang international events na nagsusulong ng independent filmmaking at cultural exchange sa pamamagitan ng pelikula.