Bougainvillea: imbes malanta, mas namumulaklak nang mainam sa angking kulay kapag nadadarang sa arawan

Bougainvillea

ni TEDDY BRUL, Jr.

MGA kasing-bayan at kalalawigan, kung naghahanap kayo ng halamang walang kaarte-arte sa bakuran at kayang-kayang makipagsabayan sa matinding sikat ng araw sa ating bansa, isa lang ang isasagot namin sa inyo—ang Bougainvillea o mas kilala natin sa tawag na bogambilya.

Sa ating mga paglalakbay sa iba’t ibang dako ng Filipinas, isa sa mga hindi malilimutang napuntahan ay ang isang ecological park, ang Casa Batik sa Gapan, Nueva Ecija. Doon natin mismo nakita kung gaano kayaman ang uri ng halamang ito.

Akalain ba ninyo na hindi lang basta kulay rosas o puti ang bogambilya? May mga pambihirang klase pala ito tulad ng Aussie Gold, Formosa, Magic Ice Cream, Helen Johnson, Strawberry Red, Hawaii White, at Tanglong. Mayroon din Violet September at Elizabeth Angus! At alam ba ninyo ang isang trivia? Ang makukulay na bahagi na hinahangaan natin ay hindi talaga mga bulaklak kundi mga bracts o binagong dahon na nagbibigay ng proteksiyon sa maliliit at totoong bulaklak nito sa gitna.

Para sa mga gustong magsimulang mag-alaga nito, narito ang ilang simpleng tips upang mapuno ng makukulay na bulaklak ang inyong bakuran:

  • Bilad sa Araw: Kailangan nito ng hindi bababa sa 6 na oras na direktang sikat ng araw, araw-araw. Kung mas mainit, mas namumulaklak!
  • Tamang Pagdidilig: Diligan nang husto ngunit hayaang matuyo nang kaunti ang lupa bago diligan muli. Iwasan ang labis na tubig o basang-basa na lupa dahil kapag tag-ulan, mas pumuputok ang dahon nito kaysa bulaklak.
  • Magandang Drainage: Siguraduhing may sapat na butas ang paso upang hindi mabulok ang mga ugat nito.

Kung nagtatanong naman kayo kung saan makabibili ng magagandang klase ng Bougainvillea at iba pang outdoor plants, hindi n’yo na kailangan lumayo. Bukod sa mga lokal na nursery sa inyong probinsiya, narito ang ilan sa mga primera klaseng tindahan at bagsakan ng halaman sa ating bansa:

  1. Tabang Garden (Guiguinto, Bulacan) – Ang Guiguinto ay kilala bilang “Garden Capital” kung saan matatagpuan ang napakaraming hanay ng mga nursery na nag-aalok ng iba’t ibang klase ng Bougainvillea mula sa maliliit hanggang sa mga naka-bonsai na.
  • Farmers Garden (Cubao, Quezon City) – Kilala sa pagpili ng malalakas at malulusog na outdoor ornamental plants na angkop sa tropikal na klima.
  • Fleur De Lys Boungavillea farm Purok Salang Bato, Dila, BayLaguna –  Kung mapapadpad kayo sa timog, ang highway ng Bay, Laguna ay nakahanay ang mga eksperto sa landscaping at bentahan ng mga namumulaklak na halaman. Kaya ano pang hinihintay ninyo, mga kaagapay? Gawing makulay at masigla ang ating mga bakuran gamit ang matatag na Bougainvillea tungo sa isang luntiang pamayanan!

Tara ba, mga flower enthusiast? Gawing makulay at masigla ang ating mga bakuran gamit ang matatag na Bougainvillea tungo sa isang luntiang pamayanan.