INAMIN ni Sherilyn Reyes na sa ngayon, panay ang kayod nila dahil hirap na hirap sila sa pera. Talagang sagad, sabi nga niya. Una, dahil nga sa pandemic wala sila halos trabaho, at hindi lang naman siya, halos lahat ng artista ay ganyan. Kaya nga mapapansin ninyo, ang daming artistang pumasok na lang sa on line business, dahil iyon lang ang kanilang magagawa sa ngayon para mag-survive. Hindi biro iyang halos pitong buwan na silang walang trabaho.
Lalong hindi biro iyong nangyaring nasara pa nga ang kanilang network, kaya ano naman ang maaasahang trabaho agad ni Sherilyn o ng kanyang anak na si Ryle kung sakali man?
Pero sinabi niyang ang talagang nagpahirap sa kanila nang husto at naging dahilan kung bakit ubos ang kanyang pera ay dahil sa katotohanang “na-1-2-3” siya sa isang negosyo. In short naloko siya at dahil diyan kailangang siya mismo ang magbayad sa mga supplier na kinunan nila ng mga item kasi siya ang nakaharap doon. Iyon namang kumuha sa kanya nagtago na.
Hindi niya sinabi kung anong business iyon, basta “na-1-2-3” siya.
Iyang mga artista kasi, sa totoo lang hindi naman sanay talaga sa negosyo ang marami riyan. Sanay kasi sila na darating sila sa set, babasahin ang script, aarte at babayaran na sila. Wala silang inilalabas na puhunan. Eh sa negosyo, puhunan mo iyon mismo eh.
Dahil diyan hindi talaga sila sanay kung paano mababantayan ang puhunan. Madali silang magtiwala, kasi sa showbusiness ganoon naman ang kalakaran eh. Walang masyadong papeles dito, puro salita lang, at ang salita naman ay talagang tinutupad. Kaya iyong mga safety net pagdating sa puhunan talagang hindi sila sanay. Kaya maraming artista ang biktima talaga ng “1-2-3”. Ingat lang.
Ed de Leon