NAARESTO ng pulisya ang 30 kataong nahuli sa aktong nagsasagawa ng ilegal na karera ng mga kotse (drag racing) sa bayan ng San Rafael, sa lalawigan ng Bulacan, noong Biyernes ng gabi, 11 Setyembre.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 6:45 pm nang salakayin ng mga kagawad ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang Barangay Coral na Bato, sa naturang bayan matapos makatanggap ng reklamo na may nagaganap na drag racing dito.
Agad na pinuntahan ng mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng San Rafael MPS ang nasabing lugar at nahuli sa akto ang mga suspek habang nagpupustahan kung sino sa mga kalahok sa drag racing ang mananalo.
Kinilala ni Germino ang mga nadakip na sina Kevin Ed Espinosa, Jade Marri Barba, Marcelino Aviles Jr., Jim Jaymie Macapugay, John Lawrence Tablisma, Bharry Francisco, Kristan Ed Espinosa, Reyfrix Quinagan, Irvin Daryll Respicio, Valentino Versoza, Dan Alkroyd Respicio, Angelo Estrañero, John Carlo Patenio, at Jayrhon Estranero, pawang mga residente ng San Rafael, Bulacan.
Kasama rin sa mga naaresto ang mga dayong sina Mathew Aviles, Alrey Obado, Allan Basa, Juvelle Lompero, Miles Jhayvic Aviles, Arwin Mabini, Anthony Villaganes, Danilo Cruz, Anthony Gio Cabellon, Vincent Habal, Runiel Enzo Muncal, Ally Mejares, Iverson Banzon, Leo Albert Jinayon, Eric Nebrida, pawang mga residente ng Barangay Minuyan III at Barangay Tungkong Mangga sa lungsod ng San Jose del Monte; at si Sherwin Jae Millena ng Barangay Bigte, sa bayan ng Norzagaray.
Nakompiska ng mga awtoridad sa lugar ng drag racing ang isang Toyota Hi-Ace Commuter Van, Mitsubishi Mirage G4, Mitsubishi Adventure, Toyota Wigo, Yamaha Mio, Yamaha Sniper, Yamaha Nmax, at P22,280 cash.
Samantala, mabilis na nakatakas ang apat na lalaki na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9287 (Illegal Gambling) at paglabag sa Sec.9 ng RA 11332.
(MICKA BAUTISTA)