TINATAYANG aabot sa halagang P1,360,000 at tumitimbang ng 200 gramo ang hinihinalang shabu na nasamsam mula sa isang tulak sa inilatag na buy bust operation ng pulisya sa bayan ng San Miguel, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng hapon, 2 Setyembre.
Nasakote ang tulak na kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, na si Gilbert Catiis, kabilang sa PNP PDEA watchlist at residente sa Barangay Bulualto, sa naturang bayan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), ikinasa ang buy bust operation sa nasabing barangay dakong 4:14 pm kamakalawa, na isang undercover agent ang umaktong poseur buyer.
Nakabili ang poseur buyer ng selyadong transparent plastic sachet ng shabu sa suspek ngunit nakatunog na ang katransaksiyon niya ay isang police officer.
Tumakbo ang suspek para tumakas sabay bunot ng baril at pinaputukan ang pulis na napilitang idepensa ang sarili kaya gumanti ng putok na tumama kay Catiis.
Dinala ang sugatang suspek sa pinakamalapit na ospital habang nasamsam mula sa kaniyang pag-iingat ang dalawang malaking pakete ng shabu na tinatayang may timbang na 200 gramo at may standard value na P1,360,000, dalawang selyadong plastic ng shabu, isang kalibre .45 baril na may bala, digital weighing scale, gunting, at isang Bajaj motorcycle.
Dinala ang mga narekober na ebidensiya sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination habang ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong kriminal na ihahain sa korte. (MICKA BAUTISTA)