PAHIRAPAN pa rin ang kita ng mga driver ng jeepney sa lalawigan ng Bulacan kahit nakabibiyahe na ang marami sa kanila sa pinaluwag ng general community quarantine (GCQ).
Ayon sa driver na si Bondying, bago magpandemya ay lumalagpas ng P1,000 ang kaniyang kinikita pagdating ng tanghali, ngunit ngayon, wala pa ito sa kalahati.
“Inuuwi lang naming pera P200, P250-P300. Kompara noong araw hagip mo lahat ‘yung perang panggastos sa pamilya mo. Ngayon halos wala kaming maibigay sa pamilya namin,” sabi ng driver.
Nagpapasalamat ang mga tsuper na nakabibiyahe na silang muli mula nang mag-general quarantine, hindi na ito tulad ng nakaraan na normal ang kanilang kita.
“Iyan e, wala hong pasahero dahil walang mga trabaho saka nagsipag-bike ang iba. Malapit ang ruta namin. Minsan 5-6 na biyahe, kalahati pa ang sakay,” ayon sa isang driver ng jeep.
May ilan sa kanilang nasa rutang Sta. Maria -Monumento, Sta. Maria – Meycauayan, Sta. Maria -Sapang Palay, o Sta. Maria – Norzagaray na hindi nakabibiyahe dahil kulang ang kanilang requirements sa hinihingi ng gobyerno.
Anila, pinasok ng mga modernong jeepney at rational buses ang kanilang mga ruta kaya talagang hirap na rin kumayod, kahit pa sumunod sila sa protocols na pinaiiral ng gobyerno.
Umaasa pa rin sila sa sinasabing tulong na mangagagaling sa Kapitolyo ng Malolos na hanggang ngayon ay wala pa at tila pagdedebatehan pa bago makarating sa kanila.
Gayonman, alam ng mga driver na hindi rin nila maaasahan lagi ang ganitong tulong kaya ang apela nila, matulungan ang mga hindi pa makabibiyaheng jeep nang makabangon.
“Sana naman mapansin ‘yung mga kasama naming driver lalo ‘yung mga namamalimos sa kalye, maawa sila tulungan, kung anong gawing ayuda sa aming driver,” ayon sa isa pang driver. (MICKA BAUTISTA)