AABOT sa P15.7 milyong halaga ng puslit at mga pekeng sigarilyo ang nakompiska ng mga awtoridad sa isang bodega sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, noong Biyernes, 28 Agosto.
Sa inilabas na pahayag ng mga awtoridad, isinagawa ang pagsalakay ng Enforcement and Security Service Quick Reaction Team (ESS-QRT) ng Bureau of Customs (BoC) at mga tauhan ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) sa bodega at nadiskubre ang 246 master cases ng mga puslit at pekeng sigarilyo.
Ayon sa Customs, ang nasamsam na mga pekeng sigarilyo ay may mga tatak na Marlboro, Astro, D&B, Two Moon, at Union.
Kasalukuyang sumasailalim ang mga nakompiskang kontrabando sa masusing imbestigasyon at imbentaryo.
Ayon sa Customs, ang kagawaran ay mananatili sa mandato nitong pangalagaan ang hangganan ng bansa at mapalakas ang kakayahan na maprotektahan ang publiko sa mga peke at puslit na mga produkto.
(MICKA BAUTISTA)