POSITIBO man si Bulacan Gov. Daniel Fernando sa coronavirus disease (CoVid-19) nitong nakaraang Biyernes, 28 Agosto, magpapatuloy pa rin siya sa pagganap sa kaniyang tungkulin kahit online habang sumasailalim sa mandatory isolation na 14 araw.
Ayon sa gobernador, siya ay nananatiling asymptomatic kahit nakompirmang siya ay positibo sa CoVid-19.
Nagpasuri si Fernando matapos makasalamuha si Bulacan Board Member Ramil Capistrano, na isang CoVid-19 patient.
Unang nag-post si Capistrano ng kanyang kalagayan sa social media noong nakaraang linggo at sinabing siya ay isang asymptomatic.
Noong nakaraang Huwebes, 27 Agosto, dumalo si Capistrano sa virtual session ng Provincial Board na sinabi ng opisyal na siya ay nasa maayos na kalagayan habang naka-quarantine sa kaniyang bahay sa bayan ng San Rafael.
Inatasan ni Fernando ang contact tracing team ng lalawigan upang hanapin ang mga tao na kaniyang nakausap at nakasalamuha bago siya sumailalim sa quarantine.
Dagdag ni Fernando, ang kanyang pagliban sa Kapitolyo ay hindi makasisira sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa Bulacan, dahil ipagpapatuloy niya ang pangangasiwa sa ‘kaniyang tahanan.’
Nagpaalala si Fernando sa kaniyang mga kababayan na laging mag-ingat sapagkat ang coronavirus ay walang pinipili, na kahit matataas na lider ng bansa o ng isang lalawigan, na tulad niya ay maaaring dapuan nito.
(MICKA BAUTISTA)