ARESTADO ang isang pulis ng kaniyang mga kabaro matapos inguso na sangkot sa robbery-extortion activities ng mga pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ang iskalawag na pulis na si P/MSgt. David Gatchalian na kasalukuyang nakatalaga sa Bocaue Municipal Police Station.
Dinakip ang suspek ng mga tauhan ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa pamumuno ni Director B/Gen. Ronald Lee.
Ayon kay Lee, ang suspek ay inaresto sa harap ng kaniyang bahay sa Mendoza St., Barangay Lolomboy, sa bayan ng Bocaue, dakong 6:45 pm noong Sabado, 22 Agosto.
Kasunod ito g entrapment operation na ikinasa ng mga tauhan ng PNP-IMEG sa pag-asiste ng Marilao Municipal Police Station (MPS), PIB Bulacan at 82nd SAC-PNP Special Action Force.
Ani Lee, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa gawain ng suspek na takutin ang mga kilalang drug personalities at manghingi ng pera kapalit ng proteksiyon sa kanilang ilegal na aktibidad.
Dinakip ang suspek matapos tanggapin ang P10,000 halaga ng boodle money na may marked bill at isang Samsung cellphone mula sa isang complainant.
Kasunod sa pagkaaresto sa suspek ay nag-utos si P/BGen. Rhodel Sermonia, PRO3 regional director, na magsagawa ng imbestigasyon laban sa kaniya at inatasan ang RID PRO3 na makipag-ugnayan sa PNP-IMEG sa pagsisiyasat sa posibilidad na ang suspek ay may kasabwat na ilang opisyal ng pulisyan sa ilegal na gawain. (MICKA BAUTISTA)