NAKATAKDANG magtanim ng 190,000 puno ng bakawan ang San Miguel Corporation (SMC) malapit sa itatayong international airport sa lalawigan ng Bulacan bilang flood mitigation measure.
Ang isasagawang mangrove forest sa 10 hektaryang bahagi ng 700-bilyong proyekto ay bilang permanenteng solusyon sa perennial flooding problem sa hilaga ng Metro Manila.
Kaugnay nito, magpapalaki ang SMC ng 100,000 mud crabs kada taon sa nasabing mangrove plantation bilang proteksiyon sa mga punong itatanim.
Magsisilbing pagkukunan ng pangkabuhayan ang mga mud crab ng mga residenteng nakatira sa karatig lugar ng itatayong airport.
Bukod pa ito sa paglago ng komersiyo na makapagbibigay ng libong employment opportunity sa mga Bulakenyo kabilang ang bayan ng Obando.
“Hindi namin puwedeng isugal ang P700 bilyong investment kung hindi namin kayang masugpo ang pagbaha sa paligid ng proyekto,” ayon kay SMC President Ramon Ang.
Ang mangrove plantation ay rekomendasyon ng Japanese consulting firm na nagsagawa ng masusing pag-aaral kaugnay ng nasabing proyekto.
(MICKA BAUTISTA)