UMABOT sa 2,204 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 18 Agosto, na ang 260 ay nananatiling may sintomas habang 1,008 ay asymptomatic.
Nadagdagan ito ng 98 aktibong kaso, habang 40 ang dagdag sa mga gumaling na.
Samantala, dalawa pa ang nadagdag sa bilang ng mga namatay dahil sa CoVid-19 na pumalo sa 64 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa virus sa lalawigan.
Sa bilang ng CoVid-19 cases sa Bulacan, nananatiling pinakamarami sa lungsod ng San Jose del Monte na may 598; sinundan ng Marilao, 221; lungsod ng Malolos, 205; lungsod ng Meycauayan, 202; at Sta. Maria, na may 116 kaso.
Hango ang mga nabanggit na datos sa mga naisumiteng labroratory results na pinatunayan ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU).
Kahit ibinalik na sa General Community Quarantine (GCQ), sinabi ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan police, pananatilihin pa rin nila ang strict enforcement ng pandemic protocols sa lalawigan.
Muli rin ipinaalala ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa kanyang mga kababayan na palagiang maghugas ng kamay, magsuot ng facemask at panatilihin ang social distancing sa lahat ng panahon. (MICKA BAUTISTA)