NASAMSAM ng mga awtoridad ang 12 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P81.6 milyon sa J&T Express Regional Headquarters sa lungsod ng Mandaue, lalawigan ng Cebu, nang mag-random inspection noong Sabado ng hapon, 15 Agosto.
Sa kanilang pahayag nitong Linggo, 16 Agosto, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ikinasa ng kanilang Regional Office 7 – Seaport Interdiction Unit ang operasyon dakong 3:00 pm noong Sabado.
Habang nagpapanel ang mga PDEA K-9 sa mga cargo, nagpahiwatig na may ilegal na droga sa loob ng tatlong itim na kahon na may LED spotlight.
Dahil dito, nagdesisyon ang PDEA Interdiction Team leader na dalhin sa Pier 3 ng lungsod ng Cebu ang tatlong kahon upang isailalim sa X-ray examination.
Nakompirma ng X-ray examination na naglalaman ng ilegal na droga ang mga kahon taliwas sa idineklarang laman nito.
Nang buksan ang mga kahon, natagpuan dito ang 12 kilo ng vacuum sealed na shabu na nakalagay sa mga tea bag at isa-isang nakabalot at sinelyohan ng itim na goma.
Natukoy ng PDEA ang mga pagkakakilanlan kapwa ng shipper at recipient ng kahapon na haharap sa imbestigasyon at sasampahan ng kaukulang mga kaso sa korte.