NATIMBOG ng pulisya ang dalawang drug suspects na sinasabing mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan, sa lungsod ng Lucena, lalawigan ng Quezon, kahapon, Martes ng umaga, 2 Hunyo.
Ayon kay P/Lt. Romulo Albacea, hepe ng Lucena police, nahuli sa akto ng mga awtoridad ang delear ng isda na kinilalang si Wilfredo Hernandez, Jr., at tricycle driver na si Robert Moreno, na binebentahan ng umano’y shabu ang isang undercover agent sa barangay Dalahican dakong 8:00 am kahapon, Martes, 2 Hunyo.
Nabatid na kabilang ang mga suspek sa listahan ng mga nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng SAP program para sa mga daily wage earners at mahihirap sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Nasamsam mula sa mga suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,264.
Nakatakdang sampahan ng kaso ang mga nadakip na suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena Municipal Police Station.