HUMINGI ng paumanhin si Pasay City councilor Moti Arceo sa ipinakitang kagaspangan ng asal nang pagsisigawan ang health workers na nagsagawa ng rapid testing sa loob ng session hall ng Pasay City Hall kamakailan.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa isinagawa ipinatawag niyang pulong ng mga konsehal, vice mayor, Department heads, at ang nagsagawa ng rapid test sa pangunguna ng City health officer.
Tinanggap sa nasabing pulong ang paghingi ng tawad ni Arceo sa paninigaw sa health workers.
Sinserong humingi ng ‘apology’ sa harap ng health workers sa naturang pulong.
Inamin ng health workers na naapektohan sila “emotionally and psychologically” sa pangyayari.
Gayonman, inunawa nila ang konsehal at tinanggap ang paghingi ng paumanhin sa kanila.
Sinabi ni Arceo, maglalabas siya ng written apology tungkol sa pangyayari.
Ayon sa alkalde, hindi dapat maapektohan ang paglilingkod sa kanilang mamamayan at ipinaliwanag na ang kalaban ng lokal na pamahalaan ay COVID-19 at hindi ang mga frontliners na malaki ang naitutulong sa mga taong tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa kabila ng pagpapatawad sa konsehal ng lokal na pamahalaan ng lungsod, nanganganib naman siyang sampahan ng kaso ng Philippine Association of Medical Technologists, Inc. (JAJA GARCIA)