NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang dalawang Chinese nationals sa paglabag sa Article 151 Revised Penal Code o resistance and disobedience to a person in authority (in relation to Executive Order No.10 series of 2020) driving without license, paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), at Section. 11 Art. II ng RA9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Sinita ang dalawa ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa quarantine protocols, nahulihan ng hindi lisensiyadong baril, at ilegal na droga, sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Makati City Police officer-in-charge (OIC) P/Col. Oscar Jacildo ang mga suspek na sina Kun Yang, 24 anyos, nanunuluyan sa Mactan Tower, Metropolitan Park, Macapagal Avenue, Pasay City; at Jianxin Yang, 23, residente sa Tower Balmoral Place, Monarch Park Suites, Parañaque City.
Base sa ulat ni P/SSgt. Evelyn Quirante, habang nagsasagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng Station Intelligence Section sa pangunguna ni P/Cpt. John Patrick Magsalos dakong 1:30 am, napansin nila ang nakahimpil na itim na Toyota Innova, may conduction sticker P5G 510 sa panulukan ng Metropolitan Avenue at Nicanor Garcia St., Barangay Bel Air, Makati.
Sinita ang dalawa at hinanapan ng quarantine pass at driver’s license pero walang maipakita hanggang mapuna ang isang handgun na nasa tabi ng driver’s seat kaya hinanapan sila ng lisensiya ng baril at permit to carry ngunit wala rin maipresinta.
Inutusan ng mga operatiba na bumaba ng sasakyan ang dalawa at nang rekisahin ay nakuha ang nasa 6.55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P44,540.
Isinailalim sa inquest proceedings ang dalawang suspek na Chinese sa Makati City Prosecutor’s Office at ngayon ay nakapiit sa detention cell ng Makati Police. (JAJA GARCIA)