NAMUO ang tensiyon sa payout ng Social Amelioration Program (SAP) dahil sa tatlong araw na pila ng mga residente sa dalawang barangay na bantay-sarado ng mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army (PA) sa bayan ng Montalban, lalawigan ng Rizal.
Base sa reklamo ng mga beneficiary, sobrang bagal at walang sistema ang pamamahagi ng DSWD dahil Lunes, 11 Mayo, nang una silang pumila para sa pagtanggap ng form, Martes, 12 Mayo, para sa interview, at Miyerkoles, 13 Mayo, ang nakatakdang distribusyon sa mga barangay ng San Jose at San Isidro.
Batay sa rekord ng Barangay San Isidro, nasa 13,586 ang beneficiaries dito at tensiyonado na sa tatlong araw na pila sa matinding sikat ng araw, ang mga nais makatanggap ng ayuda.
Dahil dito, nagdagdag ng puwersa ang pulisya at ang military upang mapanatili ang kaayusan at social distancing para sa mga nag-aalborotong mga residente sa lugar.
Sinisisi ng mga residente sa bayan ng Montalban ang umano’y mabagal na sistema at may ilang patay pa umano ang nakatanggap ng ayuda ng DSWD at mga hindi kalipikado habang marami ang hindi pinalad na maabutan ng ayuda ng gobyerno.
Anila, uso rin ang palakasan sa mga kamag-anak at kakilala kaya marami umano sa dapat na tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno ang nagugutom.
Dagdag ng mga nagreklamo, marami sa mga PWD at senior citizen sa lugar ang hindi nakakuha ng ayuda dahil sa bagal kumilos ng LGU at ilang barangay lalo ang MSWD sa Montalban. (EDWIN MORENO)