INAMIN ni Taytay Mayor Joric Gacula sa pamamagitan ng Facebook live nitong Linggo ng hapon (29 Marso) na tinamaan siya ng COVID-19 ayon sa kanilang family doctor.
Aniya, nakaramdam na siya ng pananakit ng lalamunan, sininat, at gininaw simula noong nakaraang Martes ng umaga, 24 Marso.
Agad siyang nagkonsulta sa kanilang family doctor na si Dr. Sonny Uy at pinayohan siyang sumailalim sa self-quarantine at magpasuri kung mayroon siyang COVID-19.
Binigyan din siya ng medikasyon para sa mga nararamdaman.
Kahapon, natanggap ng alkalde ang e-mail na nagsasaad na positibo siya sa COVID-19.
Inilinaw din ng alkalde na simula noong Biyernes, 27 Marso, ay normal na ang kaniyang pakiramdam at wala na siyang sintomas na may kaugnayan sa sa COVID-19
Samantala, nakasaad sa direktiba ng DOH, kailangan pa rin siyang mag-self-quarantine.
Iniutos ni Gacula sa kaniyang municipal budget officer at treasurer, sa tulong ng Vice Mayor at Sangguniang Bayan na ipagpatuloy ang pamimili ng mga groceries para ipamigay sa lahat ng Taytayeños.
Aniya, hindi tumitigil sa pamimigay ng goods hangga’t may krisis na nagaganap.
Ang Taytay Emergency Hospital ay patuloy na gaganap ganoon din ang palengke ng bayan ay tuloy-tuloy ang serbisyo.
Inumpisahan na rin ang contact tracing sa lahat ng kaniyang nakasalamuha.
Kasabay nito, pinayohan ng alkalde ang mga nakasalamuha niya na kinakailangan din mag-ingat at sumailalim sa self-quarantine. (EDWIN MORENO)