PATAY ang isang sundalo at isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang dalawa ang sugatan sa naudlot na planong pag-atake ng mga rebelde sa militar sa headquarters ng pulisya kamakalawa ng hapon, 28 Marso, isang araw bago ang anibersaryo ng mga rebelde, at sa kabila ng tigil-putukan na umiiral.
Sa ulat ni 2nd Infantry Division Commander M/Gen. Arnulfo Burgos, dakong 3:00 pm nang makasagupa ng militar ang may 30 miyembro ng rebeldeng NPA na planong umatake sa Brgy. Puray sa bayan ng Rodriguez, lalawigan ng Rizal.
Bukod sa napaslang na sundalo, dalawa ang sugatan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Ayon sa report ng 2nd Infantry Division, kinilala ang sugatan na sina SSgt. Ralph Angot ng Philippine Army, at Pfc. Noel Palmes, habang napaslang sa encounter site ang isang Cpl. Chrisler Pan ng Philippine Army.
Narekober sa lugar ng enkuwentro ang ang bangkay na pinaniniwalaang miyembro ng NPA, isang M16 rifle, hand grenade, rifle grenade, jungle pack, at mga subersibong dokumento ng mga rebelde.
Paniwala ni Burgos, marami sa mga rebelde ang sugatan dahil sa dumanak na dugo sa enkuwentro na isinama ng mga bandido sa pagtakas.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga miyembro ng Philippine Army sa lugar hinggil sa presensiya ng mga armadong katao na planong maglunsad ng pag-atake sa mga sundalo.
Mariing kinondena ni Gen. Burgos ang nasabing aksiyon ng komunistang grupo.
Ayon sa heneral, isa itong paglabag sa idineklara nilang ceasefire noong 26 Marso.
Pinuri ng heneral na matagumpay na napigilan ng 18 sundalo ang planong pagsalakay ng NPA.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Burgos sa pamilya ng nasawing sundalo.
Tiniyak ng heneral na mananatili silang nakaalerto para mapigilan ang karahasan na ilulunsad ng mga kalaban ng gobyerno. (EDWIN MORENO)