nina NIÑO ACLAN at CYNTHIA MARTIN
NAIRITA ang pamunuan ng Makati Medical Center sa ginawang paglabag sa home quarantine protocol ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, na pinag-usapan sa iba’t ibang chat group kahapon.
Tinawag ng MMC na “irresponsible” at “reckless” ang ang senador dahil sa ginawa niyang paglabag habang ang buong bansa ay nasa ilalim ng matinding pag-aalala sa hindi pa rin nagwawakas na panghahawa ng coronavirus (COViD-19).
“Last night (24 March 2020), the strict infection and containment protocols of the Makati Medical Center Delivery Room Complex (MMC-DR) were breached by a Senator of the Republic of the Philippines.”Sa bahaging ito, tinukoy si Senator Aquilino Martin D. Pimentel III na sinamahan ang asawa na manganganak na sa nasabing ospital.
“By being in MMC, Senator Pimentel violated his home quarantine protocol, entered the premises of the MMC-DR, thus, unduly exposed healthcare workers to possible infection.”
Sinabi rin ng MMC na nakadagdag si Senator Pimentel sa pasanin ng ospital na lumalaban sa COVID-19 pandemic.
“By his actions, he contributed no solution. In fact, he created another problem for Makati Medical Center, the very institution which embraced his wife for obstetric care.”
Sa kabila nito, pinayapa ng MMC ang publiko at sinabing na-decontaminate at na-disinfect na ang MMC-Delivery Room at binigyan ng karampatang pangangalaga ang mga medical staff na nalantad COVID-19 dahil sa senador.
Kaugnay nito, humingi ng pang-unawa si Senator Koko. matapos siyang i-bash ng publiko sa pagpunta sa MMC gayong siya ay person under investigation.
Sa isang interview, sinabi niyang hindi siya umubo habang nasa pasilidad ng MMC.
“Una sa lahat, hindi naman ako umuubo so hindi ako nagkakalat ng droplets. Wala akong ubo so ‘wag masyado matakot,” aniya sa interview ng isang TV network.
Naiintindihan niya ang takot pero huwag naman daw sana siyang i-discriminate.
Aniya, excited lang siya sa pagiging ama.
“Humihingi na lang po siguro ako ng understanding. Siyempre kahit sino namang tao, ama ay magiging excited. Hindi ko naman po alam.”
Sinabi ng senador, kamakalawa ng gabi niya nalaman ang resulta ng kaniyang pagsusuri.
Noong 20 Marso nang kuhaan ng swab sample si Pimentel.
Aniya, simula noong 11 Marso, limitado ang kaniyang galaw.
Hiniling ni Pimentel sa publiko na ipagdasal ang kaniyang misis na nagdadalang-tao at malapit nang manganak.
Sinabi ni Pimentel, gagawin niya ang lahat ng makakaya upang ma-contact ang lahat ng alam niyang nakasalamuha.
Laking panghihinayang ni Pimentel dahil hindi niya makakapiling ang misis sa panganganak.
Kasabay nito, nagpasalamat din ang senador sa medical frontliners at nanawagan sa publiko na sundin ang bilin ng DOH para makaiwas sa sakit.
Si Pimentel ang ikalawang senador na nagpositibo sa COVID-19.
Una nang nagpositibo si Sen. Juan Miguel Zubiri.
Si Zubiri, ay malayong kamag-anak ng dating misis ni Pimentel na si Jewel May Lobaton.