KINOMPIRMA ni Cainta Mayor Keith Nieto na binawian ng buhay ang mag-asawang tinamaan ng coronavirus disease (COVID-2019) matapos ang ilang araw na nailipat sa Research Institute for Tropical Medicine ng Department of Health (DOH).
Aniya, nakatira ang mag-asawa sa Filinvest Subdivision sa bayan ng Cainta, sa lalawigan ng Rizal, at kasalukuyang binabantayan ang apat nilang anak.
Dagdag ni Mayor Kit, nagpositibo rin sa COVID-19 ang nurse na nag-asikaso sa kanila na nagkataong taga-Cainta rin at nagtatrabaho sa Cardinal Santos Hospital sa lungsod ng San Juan na kasalukuyang nasa quarantine sa pagamutan.
Sumasailalim din sa home quarantine ang limang kamag-anak na kasama niya sa bahay at tiniyak ng alkalde na naasikaso ang kanilang mga pangangailangan.
Kaagad inilibing ang namatay na mag-asawa, batay sa kaugalian ng mga Muslim.
Matatandaang, ang asawang lalaki ayon sa impormasyon ay madalas na pumunta sa prayer room sa Greenhills Shopping Center, kung saan niya nakuha ang virus.
Ito ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa o local transmission dahil wala siyang travel history, kung kaya hindi pa rin matukoy kung saan talaga nakuha ang nasabing virus.
Kaugnay sa inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Huwebes, 12 Marso, sinabi ni Mayor Kit na sasailalim ang buong bayan ng Cainta sa town quarantine na kasalukuyan na nilang ginagawa.
Patuloy ang ginagawa nilang town cleansing sa mga lansangan at maging sa lahat ng maliliit na kalsada upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa nasabing bayan.
Gagamitan ito ng misting at spraying activities kasama ang mga bomberong maglilinis gamit ang bleach at iba pang kemikal na pamatay virus.
Dadalawin din ang lahat ng senior citizen president ng iba’t ibang sitio upang mamigay ng mga bitaminang pangdepensa sa mga sakit.
“Sila kasi ‘yung vulnerable sector na base sa record, ay unang tinatamaan ng virus. Patuloy tayong mamimigay ng alcohol sa munisipyo para sa mga nangangailangan. Uubusin natin ito hanggang kailangan. ‘Yung purchase control team ng business permits office ay iikot para pigilan ang hoarding ng goods sa grocery. Walang magaganap na pagsasara ng mga tindahan sa buong panahon ng quarantine. Kanselado rin ang lahat ng public events na naka-set mula ngayon hanggang ma-lift ang quarantine sa lugar natin,” ayon kay Nieto.
Samantala, ayon kay Barangay Chairman Ricardo Licop, Jr., ng Barangay San Isidro, sa naturang bayan, inatasan sila ni Mayor Nieto na ituloy-tuloy ang pagdi-disinfect sa bawat lugar na kanilang nasasakupan.
“Katulad ngayon, buong Karangalan at kalsada Vista Verde, Montesorri, Christian School diyan sa Brookside, ay tatapusin namin lahat ng subdivision para ma-disinfect after the guidlines na ipinarating ni Mayor.
(EDWIN MORENO)