TINAMBANGAN ang isang suspendidong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ng dalawang armadong suspek habang sakay ng kanyang minamanehong pick-up van sa Muntinlupa City kahapon ng hapon.
Apat na tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktimang si Atty. Fredric Anthony Santos, dating chief legal officer ng BuCor.
Sa inisyal na report ng Muntinlupa Police nangyari ang pananambang dakong 1:50 pm sa Katihan Road, Barangay Poblacion, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, may 100 metro ang layo ng pinangyarihan ng insidente sa entrada ng BuCor compound.
Habang lulan ang biktima ng kaniyang kulay itim na Toyota Hilux pick-up van, may plakang AAN 7158 para sunduin ang kanyang anak na babae sa Southernside Montessori School, ilang metro ang layo sa lugar ng insidente.
Pinaulanan ng bala ng dalawang suspek ang sasakyan na kinaroroonan ni Santos.
Tinangka umanong takasan ng biktima ang mga suspek nang kabigin sa kabilang bahagi ng kalsada ang kaniyang minamanehong Hilux.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD),/ nasa driver seat ang biktima pero magkabilang bintana ng sasakyan ang tinadtad ng tama ng bala ng baril. Pareho umanong nakahiga ang driver seat at passenger seat sa harapan ng sasakyan.
Hindi rin mabatid ng mga awtoridad kung anong uri ng sasakyan ang ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.
Narekober ang anim na basyo ng bala ng kalibre .45 baril ng mga tauhan ng SOCO. May nakitang dash cam sa kotse ni Santos pero wala umanong laman na video footage/s.
Sinabing hindi gumana ang dash cam ng biktima nang maganap ang pananambang sa kanya.
Inaalam ng pulisya kung nakunan sa dalawang nakakabit na close circuit television (CCTV) camera ang pinangyarihan ng insidente.
Sa rekord, dating inamin noong Setyembre 2019 ni Santos sa hearing ng kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa Senate Blue Ribbon Committee na lahat ay nababayaran sa New Bilibid Prisons (NBP) at may umiiral na omerta o ‘code of silence.’
Sinabi rin na halos 2,000 inmates ang napalaya ng BuCor mula noong 2013 sa ilalim ng GCTA Law.
Lumutang ang usapin kaugnay sa GCTA dahil sa muntik na paglaya ng ex-convict/rapist Calauan, Laguna ex-mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP).
Nasuspendi si Santos at magbabalik sana sa kanyang trabaho sa darating na 12 Marso.
Matapos mabunyag ang pagpapalaya kay Sanchez, tinambangan din ang Chief Administrative Officer 3 ng BuCor na si non-uniformed personnel (NUP) Ruperto Traya Jr, 53 anyos.
nina MANNY ALCALA/JAJA GARCIA
AMBUSH SA BUCOR
LEGAL CHIEF WALANG
EPEKTO SA GCTA
— SEC. PANELO
KOMPIYANSA ang Palasyo na walang magiging epekto sa imbestigasyon sa iregular na pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang pananambang kahapon sa isang opisyal ng Bureau of Corrections (Bucor).
Si BuCor chief lawyer Frederick Santos ay tinambangan malapit sa opisina ng BuCor sa Muntinlupa City habang patungo sa paaralan upang sunduin ang kanyang anak.
Duda ni Panelo, personal ang motibo ng ambush kay Santos at walang kinalaman sa nalalaman niya sa GCTA scheme.
“Siguro mga personal cases ‘yun. ‘Pag ganyang mga tambangan puro personal,” aniya.
Kahit anjya may kinalaman pa sa kanyang trabaho ang pagpatay kay Santos, sigurado naman na may mga lulutang na testigo para ikanta ang nalalaman nila sa GCTA.
“Even assuming that it was done in relation to whatever he has done to this government, still, as I said earlier, it will not thwart or stop the campaign against corruption, because people will always be coming out to tell the truth,” ani Panelo.
Nauna rito, napaulat na nakahanda si Santos na isiwalat sa Senado ang lahat ng kanyang nalalaman sa GCTA scheme ngunit ayon kay Senate President Tito Sotto, umatras siya.
(ROSE NOVENARIO)