HINDI dapat magpagamit ang New People’s Army (NPA) bilang ‘taga-tumba’ ng mga kalaban ng mga politiko.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakalawa ng gabi sa Daraga, Albay, na hindi dapat nakikialam sa ganitong pamamaraan ang NPA bagkus ay hayaang pumili ang mga tao kung sino ang gusto nilang iluklok sa puwesto.
Ayon sa Pangulo, kahit pa asal-hayop o aso ang isang politiko, kung siya ang gustong iboto ng publiko, walang dapat na humadlang dito.
Sinabi ng Pangulo, kung talagang gusto ng NPA na protektahan ang kapakanan ng publiko, huwag makialam sa proseso ng eleksiyon.
Tinukoy ng pangulo ang madalas na paghingi ng pera o extortion activities ng NPA sa mga kandidatong gustong mangampanya sa mga liblib na lugar.
Katuwiran ng pangulo, paano makapangangampanya ang kandidato lalo na kung dukha, kung panay ang huthot ng pera ng komunistang grupo.
(ROSE NOVENARIO)