NASA matinding deliryo na si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison.
Ito ang reaksiyon ng Palasyo sa pahayag ni Sison na si Pangulong Rodrigo Duterte ang numero unong recruiter ng CPP-NPA.
Sinabi ni Sison, dahil sa mga polisiya ni Pangulong Duterte at sa mga utos niya sa militar na nagdudulot ng ibayong pagkagalit sa mga tao kaya sila nag-aaklas at sumasapi sa komunismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang matagal nang pananatili sa ibang bansa ni Sison ay mas naglalayo sa kaniya sa realidad sa Filipinas.
Hindi na aniya makita ni Sison na ang pagluluklok sa poder ng mayorya ng mga Filipino kay Duterte ay nagreresulta na ngayon sa mga positibong pagbabago sa pamamahala sa bansa.
Iginiit ni Panelo na patuloy na ginagawa ng pangulo ang kaniyang constitutional duty para pagsilbihan at protektahan ang taongbayan laban sa korupsiyon, mga banta ng komunistang grupo, mga kriminal, at terorismo at mga bigong ideolohiya tulad ng kay Sison.
Ipinamukha rin ni Panelo na si Sison ay nagpapakasarap lamang sa buhay sa ibang bansa habang ang kaniyang mga kasamahan ay patuloy na naghihirap sa bundok sa armadong pakikibaka.
Hindi pa aniya huli ang lahat para magbagong-buhay ang mga rebelde, bumalik sa kanilang pamilya at mamuhay nang normal.
Hangad aniya ng gobyerno ang maayos na buhay para kay Sison, at mabigyan siya ng kapayapaan ng kalooban at kaliwanagan ng pag iisip.
(ROSE NOVENARIO)