UMIIRAL ang anarkiya sa Bureau of Customs na dapat masawata ng militar, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Palawan kamakalawa, kaya niya itinalaga si dating AFP Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero bilang Customs chief, at nagpakalat ng mga sundalo sa Aduana, ay upang panatilihin ang kapayapaan.
“They are there to keep peace because Customs is an anarchy. Maski sino ilagay mo, talagang may corruption,” ani Duterte.
Nauna rito’y kinompirma ng Palasyo na layunin ng Pangulo sa pagtatalaga ng mga sundalo sa BoC ay upang takutin ang mga tiwaling opisyal at kawani na nakikipagsabwatan sa smugglers.
Samantala, hinimok ng Pangulo ang mga turista, negosyante at lokal na opisyal sa Palawan na sundin ang batas upang hindi matulad ang isla sa Boracay na isa aniyang “classic case” ng overloading kaya nagkaroon ng sewerage problems.
(ROSE NOVENARIO)