WALANG indikasyon na bababa pa sa 80 dollars per barrel ang presyo ng langis sa world market hanggang Disyembre kaya imposibleng bawiin ang suspensiyon ng excise tax pagsapit ng Enero 2019.
Ito ang pahayag ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino kaugnay sa obserbasyon na baka ginagamit ang maagang anunsiyo ng suspensiyon ng excise tax sa 2019 para bumango ang administrasyon, na maaari umanong makaimpluwensiya para gumanda ang standings ng mga kandidato para sa eleksiyon 2019.
Inilinaw ni Lambino na walang kinalaman sa sumisiglang politika ngayon sa bansa ang maagang paanunsiyo ng pamahalaan para isuspende ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa 2019.
Sa press briefing sa Malacañang, iginiit ni Lambino na layunin nang maaga nilang anunsiyo ng supensiyon na maiwasan ang ibayo pang espekulasyon.
Ang espekulasyon kasi aniya ang pangunahing dahilan kung bakit tumataas ang presyohan ng langis sa merkado.
Malaking bagay ayon kay Lambino na ngayon pa lamang ay malaman ng publiko na sususpendehin ang excise tax para makampante rin ang kanilang kalooban.
ni ROSE NOVENARIO