ISANG posisyon sa kanyang gabinete ang iaalok ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Sen. Gringo Honasan, ayon sa source sa Palasyo.
Sinabi ng source na napag-usapan na dati ang posibilidad na maging cabinet secretary ng administrasyong Duterte si Honasan na magtatapos ang termino bilang senador sa Hunyo 2019.
Anomang araw ay magaganap aniya ang pulong nina Duterte at Honasan hinggil sa magiging bagong posis-yon ng senador sa gobyerno.
Ilan sa bakante at mababakanteng puwesto sa gabinete sanhi ng 2019 midterm polls ang Special Assistant to the President, Cabinet Secretary, TESDA Director General, at Agrarian Reform Secretary.
Sina Duterte at Honasan ay matagal nang magkaibigan at pawang miyembro ng pangkat na Guardian Brotherhood.
Si Honasan ay dating Philippine Army colonel at isa sa founder ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nagkaroon ng malaking papel sa pagbagsak ng rehimeng Marcos at nasangkot sa ilang coup d’ etat laban sa gobyernong Cory Aquino at Gloria Arroyo.
Aminado si Duterte na mas kursunada niyang italaga sa kanyang gobyerno ang mga retiradong militar dahil magaling silang magtrabaho kaysa mga sibilyan.
(ROSE NOVENARIO)