BAKA dalawang transgender women ang makasali sa Miss Universe 2018 na sa Bangkok, Thailand magaganap sa Disyembre.
Ang una ay si Angela Ponce ng Spain. Ang posibleng maging pangalawa ay si Solongo Baisukh ng bansang Mongolia.
May mga humuhulang si Solongo ang magwawagi kahit na sa kauna-unahang pagkakataon pa lang magpapadala ng kandidata ang bansang Mongolia na bahagi ng Asia. Sa October 17 pa naman idaraos ang Miss Universe Mongolia.
May mga ulat na marami pang bansa ang ‘di nakakapili ng kandidata nila para sa pinakasikat na beauty pageant sa buong mundo, may mga tumatayang baka madagdagan pa ang pipili ng representanteng transgender.
Dahil sa kaso ni Ponce luminaw na noong 2012 pa pinayagan ni Donald Trump na sumali sa national Miss Universe competition.
At dahil tinatanggap na sa national competition ang mga trans, ibig sabihin ay tatanggapin sila sa world competition kung sila ang magwagi sa national competition sa kanilang bansa.
Hindi pa presidente ng US si Trump noong 2012 pero noong taon na ‘yon siya pa ang may hawak ng franchise ng Miss Universe. At ang transgender noon na nag-a-apply sumali sa national contest ay si Jenna Talackova ng Canada.
Noong una ay ayaw tanggapin ng Miss Universe Canada si Jenna pero nagbanta siyang magdedemanda kaya ipinarating kay Trump ang kaso n’ya. Pumayag si Trump. Pero ‘di napanalunan ni Jenna ang titulo bagama’t nakasali siya sa 12 finalists.
Oo nga pala, para maklasipikang transgender woman ang isang ipinanganak na lalaki, hindi kailangang magpaopera sila at papalitan ang sex organs nila. Basta lagi nang nakadamit babae ang isang ipinanganak na lalaki, pwede na n’yang iproklamang transgender woman siya. Pwede na rin nilang i-request sa media at sa publiko na tawagin silang “Miss” at pronoun na babae sa Ingles ang gamitin ‘pag pinatutungkulan sila.
Actually, “transexuals” ang tawag sa lalaking nagpaopera para maging babae gayundin ang tawag sa mga babaeng nagpaopera para maging lalaki.
Alam n’yo bang kahit na sa film festivals ay matinding kompetisyon na rin ang dulot ng mga pelikula tungkol sa LGBT (Lesbians, Gays, Bisexuals, and Transgenders). Tunghayan ang hiwalay naming ulat tungkol sa LGBT movies sa darating ng Cinema One Originals at Quezon City International Film Festival na mas kilala na ngayom bilang QCinema.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas