KOMPIYANSANG ibinida ni Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na anim na araw na lang ang proseso at issuance ng passport matapos makompleto ang requirements at maipasok sa Consular Office ang aplikasyon.
At ‘yan umano ay magsisimula, ngayong araw mismo!
Palakpakan po natin si Secretary Alan, mga suki!
“We made a promise to the President and to our kababayan that we will work hard to give them fast, efficient, and secure passport services,” ani Secretary sa isang statement mula sa New York nang siya ay dumalo sa 73rd Session ng United Nations General Assembly.
Heto pa ang dagdag na sabi ng Kalihim, “Shortening the length of time our kababayan would have to wait before they could receive their passports is part of that promise.”
Inilinaw ng kalihim na mula ngayon, 1 Oktubre, ang mga aplikante sa DFA Consular Offices sa Metro Manila na nagbayad ng regular processing fee na P950 ay puwede nang makuha ang kanilang pasaporte matapos ang 12 working days imbes 15 working days.
Sa mga aplikante na mas piniling magbayad ng processing fee na P1,200 ay makukuha na nila ang pasaporte matapos ang 6 working days imbes pitong araw.
Ani Secretary Cayetano, ang mga aplikante ng DFA Consular Offices sa labas ng Metro Manila ay makukuha ang pasaporte matapos ang 12 working days imbes 20 days sa mga regular processing, habang 7 working days naman imbes 10 days sa express processing.
Patuloy umanong gumagawa ng solusyon at mabisang paraan ang DFA para lalo pang mapabilis ang proseso ng mga papeles na isinumite ng mga aplikante sa mga Philippine Embassies at Consulates General sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa kasalukuyan ay umaabot pa nang dalawang buwan ang pagpoproseso ng mga papeles.
Bukod sa pagpapaikli ng waiting time ng mga aplikante, mas napaikli na rin ng ahensiya ang paghihintay ng mga aplikante na makakuha ng online appointment slots na aabot ngayon nang dalawang linggo hanggang isang buwan kompara noong isang taon na umaabot sa dalawa hanggang tatlong buwan.
Sabi ni Secretary Alan, resulta ito ng mga programang ipinatupad simula pa noong isang taon kasama ang dagdag kapasidad ng DFA na tumanggap ng bugso ng mga aplikante.
Kasama na rito ang pagtanggap ng bayad sa e-payment scheme at ang pagbubukas nang mahigit 10,000 slots simula 12:00 noon at 9:00 p.m., Lunes hanggang Sabado, hindi kasali ang holiday.
“From 9,500 passports that were being processed daily in May last year, we have increased our capacity to almost 20,000 passports a day. We endeavor to increase this number to 30,000 by the end of the year,” pagtitiyak ni Cayetano.
“Providing better passport services is at the heart of our work at the DFA,” pagmamalaki ni Secretary Cayetano.
Sinisiguro rin niya sa publiko na ang ahensiya ay patuloy na magtatrabaho upang mas lalong maging mabisa ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Filipino maging ang maayos at mabilis na pag-isyu ng passport nang sa gayon ay maging maaga at nasa oras ang pag-aaral, pagtatrabaho at pagbiyahe sa ibang bansa ng mga Filipino.
By the way Secretary Cayetano, tiyak na lalong matutuwa sa inyo ang mga mamamayan lalo ang mga overseas Filipino workers (OFW) kung ibababa pa ninyo ang presyong binabayaran sa pagkuha ng passport. Alalahanin ninyong sa pagkokompleto lang ng mga rekesitos ay malaki na ang ‘tosgas’ ng aplikante.
E ‘yung pasahe pa sa pagpaparoot parito?!
Kapag nagawang ibaba ni Secretary Alan ang halaga ng binabayaran sa pagkuha ng pasaporte, aba, tiyak na lulusot siya sa susunod na pagtakbo bilang Vice President ng bansa at libre pa siyang ikakampanya ng OFWs.
Go na, Secretary! Ibagsak mo na ang bayad sa pagkuha ng pasaporte. Go!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap