PINAGSISIHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtalaga sa kanyang gabinete ng dalawang rekomendado ng National Democratic Front (NDF).
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa send-off ceremony sa 250 transport vehicles ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Calamba, Laguna kahapon, walang ginawa ang mga komunista, partikular ang New People’s Army (NPA), kundi pumatay sa nakalipas na 52 taon. “Iyon ang alam ng NPA: to destroy the government, to destroy its functions of government, and to kill the soldiers, kill the policemen, kill everybody for the last 52 years. Iyan lang ang ibinigay ng mga komunista sa atin,” aniya.
Giit ng Pangulo, binigyan niya ng tsansa ang mga komunista na magsilbi sa gobyerno at binigyan niya ng puwesto sa kanyang administrasyon sa layuning makatulong at magtagumpay ang isinusulong na peace talks ngunit ayaw pala nila ng kapayapaan.
“E ako naman in my desire really to just extend a helping hand maybe I can succeed talking to them, naipasok ko rin sa gobyerno. Mabuti na lang ni-reject ng Congress ‘yung appointments nila. It turned out to be na ayaw talaga nila ng — even the talks now are almost done,” anang Pangulo.
Matatandaan, itinalaga ng Pangulo sina Judy Taguiwalo bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary, at Rafael Mariano bilang Department of Agrarian Reform (DAR) secretary, ngunit ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang kanilang appointment.
Binigyan diin ng Pangulo, hindi pa siya handa na buhayin ang peace talks sa kilusang komunista dahil bukod sa ayaw ng militar ay hindi siya makapapayag sa nais nilang mangyari na “sharing of government powers.”
“I don’t know if it could be revived. But I am not ready at this time to talk about talking to the communist. For as long as there is an objection from the military and the police na they called — pinag-ipon nila lahat ‘yung mga various agreements JASIG, humanitarian rights, it would now appear that more or less there is a sharing — hindi coalition — but sharing of governmental powers which we cannot concede, I cannot give because we do not own sovereignty,” anang Pangulo. (ROSE NOVENARIO)