TATLO sa limang Filipino ang naniniwalang paglabag sa karapatang pantao ang pagdakip ng mga pulis sa tambay, ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa 1,200 respondents, 60% ang nagsabi na human rights violation ang pag-aresto sa mga tambay.
Ikinaila ng Palasyo na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdakip sa mga tambay dahil ang paggala ay hindi krimen.
”On the arrest of tambays as a violation of human rights, the matter has already been clarified when the President had said he did not order the arrest of tambays for loitering per se is not a crime,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Noong nakalipas na Hunyo ay inatasan ng Pangulo ang pulisya na mahigpit na ipatupad ang mga batas lalo ang mga pagala-gala sa kalye na posibleng makaprehuwisyo sa publiko.
Umani ng batikos ang walang habas na pagdakip ng ilang pulis sa umano’y mga “tambay” na kanilang kinikilan at may mga namatay habang nasa kanilang kustodiya.
Samantala, ikinatuwa ng Palasyo ang resulta ng SWS survey na may 76% satisfaction rating sa isinusulong na drug war ng administrasyong Duterte.
“This is a testament that the drug war continues to enjoy the broad support of our people, notwithstanding the efforts of the detractors and critics of the administration to politicize the issue or discredit the campaign,” sabi ni Roque.
Naniniwala si Roque na ang mataas na approval rating ay nagmula sa pagnanais ng mga mamamayan sa mas ligtas na kapaligiran. (ROSE NOVENARIO)