BLANGKO pa ang listahan ng final line up ni coach Yeng Guiao na dadayo sa Iran para sa 4th window ng FIBA World Cup qualifiers.
Ang dahilan ay hinihintay pa ang ilang papeles ni Greg Slaughter na nagpapatunay na may dugo siyang Pinoy para mapabilang sa line up bilang local.
Medyo kinabahan ang ilang fans ng basketball. Pag nagkataon kasi ay mawawalan ang Team Philippines ng lehitimong sentro. Wala tayong panapat kay 7-foot-2 Haddadi ng Iran.
Pero ang Kurot Sundot ay relaks lang sa nangyaring sitwasyon na sa ultimo-ora ay doon lang nagkumahog si Slaughter para kompletuhin ang papeles na nagpapatunay na puwede siyang maglaro sa FIBA bilang local ng Team Philippines.
Bakit kanyo relaks tayo?
Aba’y sa nangyaring sitwasyon ay pinatutunayan na ni Slaughter na tunay siyang Pinoy kahit na siguro huwag nang ipakita ang mga papeles niya.
Katulad ng ordinaryong Pinoy, “beat-the-deadline” siya para maisabmit ang mga requirements. Ikanga, kung kailan deadline na ay saka lang siya kumilos, samantalang ilang taon na ba siyang naglalaro sa PBA?
Di ba tipikal na ugaling Pinoy si Greg?
Tuloy ay nabimbim ang pag-anunsiyo ni coach Guiao ng pinal niyang line-up na lilipad papuntang Iran.
Kahapon ay balitang nakapagsumite na ng requirements si Slaughter.
Pero kuwidaw pa rin tayo dahil kailangan pa rin pala ng approval ng FIBA kung papayagang maglaro si Slaughter bilang local.
Mukhang kulang o may depekto ang papeles ni Slaughter?
Abangan na lang natin ang mangyayari.
KUROT SUNDOT
ni Alex Cruz