NAIPASA na ni Filipino-American Greg Slaughter ang mga kinakailangang dokumento sa International Basketball Federation (FIBA) na magpapatunay ng kanyang eligibility bilang isang lokal na manlalaro.
At ngayon, tanging ang maghintay na lamang ang kanyang magagawa na sana ay ituring ng FIBA ang mga dokumento bilang sapat na patunay upang matulungan na niya ang pambansang koponan, pitong taon matapos huling maglaro para sa bayan.
“I got the documents from my parents right away and we sent those over,” ani Slaughter matapos ang ikalawang araw ng pagsasanay ng koponan sa Meralco Gym sa Ortigas Pasig City kamakalawa ng gabi.
Napili si Slaughter bilang isa sa 16-man training pool ng Gilas Pilipinas ni head coach Yeng Guiao para sa napipintong ikalawang round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ito ang kanyang pagbabalik sa national team matapos ang paglalaro na para sa bayan noong 2011 Southeast Asian Games (SEAG) at 2011 FIBA Asia Champions Cup bago siya umakyat sa Philippine Basketball Association.
Kasali rin siya sa training pool ng orihinal na Smart Gilas Pilipinas program na binuo ng SBP noong 2009 bukod pa nga ang paglalaro sa University of Visayas sa CESAFI at sa Ateneo sa UAAP.
Ayon kay Slaughter, bukod sa mga papeles ay umaasa siyang sapat na patunay ito na siya ay dapat ikonsidera bilang lokal na manlalaro at hindi naturalized player.
“It’s up to the management and FIBA now, but I think I should be able to play,” ani Slaughter.
“I’ve been in the Philippines basically my whole life. I was even baptized in Cebu as a baby. I’ve been living here 11 years now, studied here, and played in tournaments with the national team. Hopefully, it will come back with a favorable response.”
Sakaling maaprobahan ang papeles ni Slaughter, magiging malaking tulong ito kay Guiao dahil hindi niya na kailangang isama sa line-up bilang naturalized player si Slaughter katulad nina Christian Standhardinger at Stanley Pringle.
ni John Bryan Ulanday