WALANG prostitusyon sa pelikula na nagtatampok kay Christian Bables. Walang mga pulis na mangongotong. Walang sindikato. Walang tutol sa gobyerno ni Duterte. Walang minumurang opisyal ng pamahalaan. Walang fans na hibang kina James Reid at Nadine Lustre—dahil ‘di naman nakararating ang TV sa lunan ng istorya. Walang epidemya ng sakit at taggutom. Walang child abuse. Walang battered wives. Walang mga residenteng nanggagambala. Walang mga aktibista na rally nang rally.
Pasayaw lang at basketbol sa plaza ang libangan ng mga tao. Walang binggohan. Walang mahjong o panggingge.
Paraiso na ang lugar na ‘yon!
At naniniwala kaming may mga ganoong lugar pa sa bansa. Mabuti naman at nakaisip na gumawa ng ganoong klaseng pelikula sina Chito Rono at Rody Vera.
‘Pag ‘di mangalngal, ‘di mapanisi, ‘di mapanumpa at mapagkondena, ‘di mabisyo ang mga mamamayan, ‘di mahilig sa tsismis, mapayapa at matiwasay ang bayan. Isa rin ‘yung katotohanan na gaya ng pagiging totoo rin ng mga bayang mabisyo, naghihikahos, umaapaw sa krimen, laging sinasalot ng kung ano-anong sakit, umaapaw sa angal at muhi at pagkukondena.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas