IMBES maghangad na may masamang mangyari sa ating Presidente, mas makabubuting ipanalangin natin ang patuloy na pagiging maayos ng kanyang kalusugan at tagumpay ng kanyang pamumuno sa bansa.
Ito ang inihayag ni dating Manila Mayor Alfredo Lim sa isang panayam sa ‘PDP Cares’ anniversary, na sinabi niya na malamang mas mabaon pa ang bansa sa mas malalang problema ng illegal drugs at iba pang krimen kung hindi si Presidente Rodrigo Duterte ang may hawak ng pamumuno sa Filipinas.
Batay sa kung gaano na kagrabe ang mga uri ng krimen at kriminal sa buong mundo kasama na ang bansa, mahalaga umano ang pagkakaroon ng isang lider na matigas ang paninindigan, may kamay na bakal at tunay na determinadong walisin lahat ng uri ng krimen kahit ano ang mangyari, gaya ng Pangulo.
Ani Lim, base na rin sa kanyang karanasan, ang pakikipaglaban sa masasamang-loob, sa loob at labas ng gobyerno ay napakahirap gawin.
Si Lim ay dating namuno sa National Bureau of Investigation (NBI), sa Interior and Local Government Department (DILG) at sa noon ay Western Police District (WPD) , bukod sa pagiging dating mayor at Senador.)
”As it is, we have a President who can ‘walk the talk’ and shows no mercy for criminals and yet, there are still some who persist in taking the wrong path. What more if our country’s leader is not as tough as President Duterte? Can you imagine?” ani Lim.)
Idinagdag niyang ang pahayag ni Duterte na iniisip niyang magbitiw ay hindi dapat bigyan ng literal na interpretasyon dahil maliwanag na ito ay pagpapahayag lamang ng sobrang pagkadesmaya at pagod sa kahahabol sa mga gumagawa ng ilegal.
Sa dami ng mga naaresto, nakasuhan at natimbog sa patuloy na matapang na kampanya laban sa illegal drugs at sa dami rin ng government officials na nasibak dahil sa korupsiyon, dapat umanong maunawaan ng mga Filipino ang mga ‘hugot’ ng Pangulo.
“Instead of engaging in fault-finding or wishing the President ill, we all should support his goals toward a drug-free and corruption-free country and contribute to the government efforts toward this direction in whatever way we can,” ani Lim.
Binigyang-diin ni Lim na iisa lamang ang ating bansa at Pangulo at ang magiging tagumpay nito sa pamumuno ay buong bansa at sambayanan ang nakatakdang makinabang. (JSY)