MINALAS na naputulan ng paa ang isang traffic enforcer nang madamay sa salpukan ng pampasaherong bus at ng AUV sa Quezon City, kahapon.
Kinilala ang biktimang si Emmanuel Abache, traffic enforcer ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng lungsod.
Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng Traffic Operations Division, galing ang bus sa Farmers Tuazon habang mula sa Sta. Mesa ang AUV nang mabangga ng bus ang pribadong sasakyan kaya ito pumihit at sinalpok si Abache.
“Nabangga ng bus ‘yung Innova. ‘Yung Innova tumama din kay traffic enforcer Abache na naputol ‘yung kaniyang paa instantly,” ayon kay Cardenas.
Aniya, naipit ng leftside portion ng Innova ang paa ng traffic enforcer.
Sa ngayon, under observation ang biktima sa Quezon City General Hospital habang sinusubukan ng mga doktor na isalba ang kaniyang paa. Nakatakda siyang isailalim sa MRI.
Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad na sumunod sa mga alagad ng batas at sundin ang mga batas-trapiko upang maiwasan ang ganitong insidente.
“Sana respetohin po natin ‘yung ating mga traffic enforcer, give courtesy to ating mga kapwa driver. Always follow traffic rules and regulations,” sabi ni Cardenas.
Handang tumulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa imbestigasyon ng insidente.
“Ang tanging magagawa natin dito siguro mama-maximize natin ‘yung kuha sa MMDA metrobase. ‘Yun lang ho ‘yung kaya nating ibigay,” sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago.
Sumuko ang driver ng bus habang hinahanap ang driver ng AUV.