ALIADOS ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang ipinuwesto sa magagandang puwesto sa Kamara.
Sa mosyon ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., itinalaga si Surigao del Sur Rep. Rolando Andaya Jr. at Bohol Rep. Arthur Yap bilang deputy speakers, kapalit ni Marikina City Rep. Miro Quimbo at Cebu Rep. Gwen Garcia na sumuporta sa nasibak na si Speaker Pantaleon Alvarez.
Si Quimbo naman ay nag-abstain sa pagboto.
Kagaya ni Andaya, si Pichay at Yap ay pinaniniwalang nagkaroon ng malaking tungkulin sa pagluluklok kay Arroyo sa pagka-speaker.
Si Quimbo, tinanggal man sa pagka-deputy speaker, ay binigyan ng ibang puwesto sa House committee on ways and means. Siya ang tumatayong lider ng People’s Minority, isa sa mga grupo ng minorya sa Kamara.
Si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, isa sa mga pinakamatinding kaalyado ni Alvarez, ay pinalitan ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo, bilang pinuno ng House committee on good government and public accountability.
Si Cavite Rep. Jennifer “Jenny” Barzaga ay ibinoto bilang vice chairperson ng House committee on accounts.
Si North Cotabato Rep. Jose Tejada naman bilang vice chairman ng House committee on appropriations na pinamumunuan ni Davao City Rep. Karlo Nograles.
Kasama rin sa komite ni Nograles sina Mandaluyong City Rep. Alexandria Gonzales, Abra Rep. JV Bernos, at San Jose Del Monte City Rep. Rida Robles.
Pinagbotohan din sa plenaryo sina Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon bilang miyembro ng House committee on basic education at si Masbate Rep. Scott Davies Lanete na napunta sa Commission on Appointments.
ni Gerry Baldo