INAPRUBAHAN ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Lunes sa ikatlong pagbasa ang panukalang magtatapos sa “end labor only contracting, o “endo.”
Ang House Bill 6908 o Security of Tenure Bill, ay tumanggap ng suporta ng 199 congressmen, habang pitong solon ang nagbasura sa panukala.
Ang lahat ng pitong no votes ay mula sa Makabayan bloc.
Sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, kabilang sa mga bomoto laban sa panukala, ito ay hindi solusyon sa pagwawakas sa contractualization, kundi lalo lamang pinalala.
“Walang iniaalok na solusyon ang HB 6908 para wakasan ang kontraktuwalisasyon bagkus ay lalo pa nitong pinalala at ginawang legal ang mapagsamantalang iskema,” paliwanag niya sa kanyang boto.
“Sa pamamagitan ng bagong probisyon na ipapasok sa Labor Code hinggil sa licensing ng job contractors at outsourcing firms (Article 106-A), ibig sabihin pinapayagan ang relasyong principal-contractor-employer. Ano’t ano pa-man, legal pa rin ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ng panukalang batas dahil may pagkilala sa job contractor/ middle man.”
“Hindi po ang House Bill 6908 ang katuparan sa pagwakas ng mapagsamantalang kontraktuwalisasyon sa ating ba-yan. Sa halip, ito ay puspos ng mga probisyong madaling paikotan ng mga negosyante at korporasyong sumisiil sa karapatan ng mga manggagawa at humuhuthot ng pinakamala-king tubo sa kanilang pinagpaguran,” dagdag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.