HAHARAP si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa imbestigasyon sa Senado kaugnay sa isyu ng pagbili ng mga barkong pandigma ng Philippine Navy.
“Kung sakaling ipatawag man ako ng Senado hinggil sa frigate issue, anywhere, anytime, I’m willing to face the accusers,” ayon kay Go sa text message na ipinadala sa Malacañang reporters.
Giit ni Go, palsipikado ang mga akusasyon laban sa kanya na nakialam sa bidding ng frigates.
“Accusations are false. Wala akong itinatago, wala akong tinataguan at wala po akong alam tungkol sa issue na ‘yan,” aniya.
“From the Halls of the Senate and Congress to the Courts of Justice and even basketball courts, I will cooperate and face the false and maliscious accusations againts me,” dagdag niya.
Nauna nang naghain ang minority bloc sa Senado ng Resolution No. 584, na humihiling sa Committee on national defense and security at Congressional oversight committee on the Armed Forces Modernization, na busisiin ang estado ng AFP modernization program.
ni ROSE NOVENARIO
PROBE VS
FRIGATE PROJECT
ISINULONG NG SENATE
OPPOSITION
NAGHAIN ang mga miyembro ng Senate minority bloc ng resolusyon, hinihiling ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na pagbili ng dalawang Philippine Navy frigates, sa gitna ng mga ulat na “nakialam” ang close aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Bong Go, sa nasabing proyekto.
Inihain ni Minority Leader Franklin Drilon, kasama sina Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Risa Hontiveros, Leila de Lima, at Antonio Trillanes IV, ang Senate Resolution No. 584, nag-uutos sa committee on national defense and security, gayondin sa congressional oversight committee on the Armed Forces of the Modernization (AFP) Act, na magsagawa ng imbestigasyon.
Anila, naglalayon ang resolusyon na determinahin kung ang pagbili ng frigates ay “promotes the goals of the modernization program and complies with pertinent laws.”
Inihain nitong Martes, nabanggit sa resolusyon ang pagsibak kay Vice Admiral Ronald Joseph Mercado bilang Navy’s Flag Officer in Command (FOIC) nitong nakaraang buwan, bunsod ng umano’y hindi pagsang-ayon sa pagpapatupad ng P16-billion project.
Magugunitang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinibak si Mercado sa posisyon dahil sa umano’y pag-jeopardize sa frigate acquisition project, at binigyang-diin na may ibang kompanyang napipisil ang huli para sa bibilhing combat management system (CMS) para sa warships
Ang pagbili ng frigates ay inisyatiba ng administrasyong Aquino. Ang kontrata ay nilagdaan sa ilalim ng administrasyong Aquino, at kabilang sa biggest items sa AFP modernization program, ayon sa minority bloc.
Ang Hyundai Heavy Industries ang nanalo sa bidding sa pagbuo ng dalawang warships.
Habang ang HHI ay pinili ang Hanwha Thales ng South Korea para sa paglalaan ng CMS.
Ngunit sinasabing iginiit ni Mercado na piliin ang Tacticos Thales ng The Netherlands.
Ayon sa resolusyon, bumuo si Lorenzana ng steering committee, na nagsumite ng resolusyon na nagpapatibay sa desisyon ng Hyundai sa pagpili sa Hanwha Thales.
“There have been allegations that the formation of the said committee, in the first place, violated the Government Procurement Act,” pahayag ng minority senators.