INAKALA ng lahat na sa pagsisimula ng taong 2017 ay malalagay muna sa injured list si Alex Cabagnot dahil sa nagkaron ito ng injury noong Disyembre 28 sa laro ng San Miguel Beer kontra sa Meralco Bolts.
Nasiko kasi ni Cliff Hodge sa mukha si Cabagnot. Bunga ng insidenteng iyon ay nabali ang ilong ng San Miguel point guard at hindi niya natapos ang laro. Kinailangan siyang dalhin sa ospital upang maayos ang injury. At matapos iyon ay pinagsuot siya ng protective mask.
So, siyempre, ang akala ng lahat ay hinay-hinay muna si Cabagnot. Tutal nga naman ay napakaraming point guards ng San Miguel. Nandiyan sina Chris Ross, RR Garcia at Andrew McCarthy.
Pero hindi naman ininda ni Cabagnot ang injury. Ayaw niyang magpahinga. Sa halip ay todo pa rin ang laro niya kahit na may maskara siya.
Hayun at siya ang nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week noong nakaraang Linggo matapos na tulungan niya ang Beermen na magposte ng dalawang sunod na tagumpay.
At noong Biyernes ay muling nagbida si Cabagnot sa panalo ng Beermen kontra sa Rain Or Shine.
Binura ng Beermen ang anim na puntos na abante ng Elasto Painters sa huling tatlong minuto ng regulation period. Naitabla ni Cabagnot ang score sa pamamagitan ng isang long jumper, 96-all.
Si Cabagnot ay nagtapos ng 14 puntos. At talagang hindi nga siya nagpapahinga. Tila hindi niya alintana kung tamaang muli ang kanyang ilong.
Magandang regalo ang panalong iyon kay San Miguel big boss Ramon S. Ang na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Huwebes. At dahil sa panalong iyon ay lumayo na nang todo ang Beermen sa mga naghahabol. Nagsosolo sila sa itaas ng standings sa record na 8-1 samantalang ang mga sumesegunda ay may 5-3.
Hindi na sila mahahabol at tiyak na sila na ang magiging top seed sa susunod na round kung saan mawawala na rin ang maskara ni Cabagnot.
At malamang na lalo pa itong humusay!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua