NAGPADALA na ng kanyang liham si Sen. Antonio Trillanes III sa tanggapan nina Senate President Koko Pimentel at Sen. Leila de Lima kaugnay nang nangyaring banggaan nila ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Senado nitong nakalipas na Huwebes.
Laman ng naturang liham ang paghingi nang paumanhin ni Trillanes dahil sa naging pagkilos niya sa gitna nang pagdinig sa isyu ng extra judicial killings sa komite ni De Lima. “This is to express my apologies for my demeanor during last Thursday’s hearing of the Committee on Justice and Human Rights,” ani Trillanes. “It was brought about because of the intense passion and emotion of the moment.”
Pangako ni Trillanes, hindi na mauulit ang naturang pangyayari na ikinagulat ng lahat ng nasa Senado. Magugunitang pinatayan ni Trillanes ng mikropono si Cayetano dahil sa aniya’y walang saysay na pagtatanong sa testigong si Edgar Matobato na dating miyembro ng Davao Death Squad.
Sinabihan din ng dating Magdalo leader si Cayetano na hindi niya papopormahin at “buo na ba ang pangarap mo?” na pinalagan ni Cayetano.
nina NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN