TALSIK na bilang chairman ng Senate committee on justice and human rights si Sen. Leila de Lima.
Nasa 16 senador ang bumoto para mapatalsik si De Lima, apat ang komontra at dalawa ang nag-abstain.
Ito ay kasunod ng mosyon ni Sen. Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang chairmanship ng komite ni De Lima, kasunod ng privilege speech ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang privilege speech, binatikos ni Caye-tano si De Lima at ang komite ng senadora dahil sa nangyaring pagdinig noong nakaraang linggo kaugnay sa usapin ng extrajudicial killings sa bansa.
Iniharap ni De Lima ang nagpakilalang mi-yembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato na idiniin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaso ng pagpatay sa Davao City noong alkalde pa ang punong ehe-kutibo.
Ayon kay Cayetano, ginagamit ni De Lima ang Senado para siraan si Pangulong Duterte at ang mataas na kapulungan ng Kongreso bilang institusyon.
Sa gitna ng speech ni Cayetano ay nag-walkout si De Lima dahil hindi niya aniya masikmura ang mga pinagsasabi ng kapwa senador.
Makaraan ang speech ni Cayetano, nag-mosyon si Sen. Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang chairmanship at membership ng Senate committee on justice.
Tinutulan ito ni Se-nate President Pro Tempore Franklin Drilon sa pagsasabing batay sa rules, hindi maaring ideklarang bakante ang isang komite sa Senado.
Sinuspinde pansamantala ang sesyon para sa caucus ng mga senador para pag-usapan ang mosyon ni Pacquiao.
Napagkasunduan na magkaroon agad ng bo-tohan at sa pagbalik ng sesyon ay idineklarang bakante na ang chairmanship ng Senate committee on justice and human rights.
Agad inihalal si Sen. Richard Gordon bilang bagong chairman ng komite kapalit ni De Lima.
nina NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN