HINDI pa naman tuluyang nagsasara ang pintuan patungong quarterfinal round ng PBA Governors Cup para sa Star Hotshots.
May kaunting uwang pa na natitira matapos na maungusan nila ang Meralco Bolts, 104-103 noong Linggo. Iyon ay ang ikalawang panalo pa lang ng Star sa siyam na laro.
Kung natalo sila sa Bolts, aba’ý goodbye na sa Hotshots!
Pero kahit paano ay tumitibok pa ang kanilang puso at may pag-asa pang makasingit sa susunod ng yugto. Napakanipis nga lang ng tsansang iyon.
Kasi nga ay marami nang koponan ang may apat na panalo sa torneo. At iyon na lang ang puwedeng maabot ng Hotshots. Hindi na sila puwedeng lumampas sa apat na panalo.
Kaya magdarasal sila na matapilok ang mga koponang may apat na panalo at huwag mkarating sa lima.
Bukod sa panalanging iyon, aba’y kailangang maglaro nang matindi ang Hotshots sa kanilang huling dalawang games kung saan matitindi pa ang kanilang makakaharap.
Biruin mong kalaban nila ang nangungunang TNT Katropa sa Setyembre 11 at ang Governors Cup champion Rain Or Shine sa Setyembre 16.
Kailangan silang lumusot sa dalawang ito. Kapag natapilok sila nang minsan, goodbye na sa kanilang season!
Maraming nagdarasal na sana nga ay makasingit pa sa quarterfinals ang Hotshots. Pero parang malabo na talaga, e. Kumbaga ay puwede nang ilagay ng bagong coach na si Jason Webb sa ‘experience’ang kanyang rookie year at umasang may ikalawang taon pa siya bilang coach ng Hotshots. Kasi, baka mapundi sa kanya ang management at bigla silang magpalit ng coach!
Iyon ang masaklap.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua