KAHIT pa napakanipis na ng tsansang makarating sa quarterfials ay nagpalit ng import ang Blackwater Elite.
Ipaparada ng Blackwater si Keala King sa laro kontra Phoenix Fuel Masters sa kanilang pagkikita sa ganap na 4:15 pm sa Ynares Coliseum sa Antipolo City.
Sa 7 pm main game ay maghaharap naman ang Alaska Milk at Globalport na kapwa may 3-5 karta at nasa ikasiyam na puwesto. Naghahabol ang dalawang koponan upang makaiwas sa pagkalaglag.
Hinalinhan ni King si Eric Dawson na may back spasms. Si King, na produkto ng Arizona State University at Long Beach State, ay naglaro sa Hi Tech Backok sa Thailand Basketball League.
Bukod kay King ay may isa pang bagong manlalaro ang Blackwater matapos na kunin buhat sa Globalport si Ronald Pascual kapalit ng13-year veteran point guard na si Mike Cortez.
Ang iba pang inaasahan ni coach Leo Isaac ay sina Carlo Lastimosa, Reil Cerantes, Dennis Miranda at Art dela Cruz.
Ang Blackwater ay may 1-7 record at kailangang mawalis ang nalalabing tatlong laro.
Ang Phoenix ay galing sa 106-93 panalo kontra sa Star at may 4-4 record. Ang Fuel Masters ay pinamumunuan ng import na si Eugene Phelps.
Galing ang Alaska Milk sa 107-87 panalo laban sa Blackwater noong Agosto 28. Ang Globaport ay naungusan naman ng TNT.
( SABRINA PASCUA )